Rice

Stakeholders tutulong mapamura ang bigas

June 6, 2024 Cory Martinez 251 views

NANGAKO ang mga rice industry stakeholder na makikipagtulungan sila sa pamahalaan na matupad ang layunin na mapababa ang presyo ng bigas.

Sa konsultasyon sa tanggapan ng Department of Agriculture (DA), sinabi ng mga stakeholder na nagsisikap ang pamahalaan na maghanap ng paraan upang maibaba ang presyo ng bigas.

“Gusto ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na may maibebenta pang mas affordable na bigas para maibsan ang paghihirap ng mga consumer lalo na ang mga mahihirap at maibsan din ang price pressures na dahilan ng pagtaas ng inflation rate at interest rates,” sabi ni DA Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel, Jr.

Tumaas ang pandaigdigang presyo ng butil simula nang i-ban ng India ang pag-angkat ng non-basmati rice noong Hulyo 2023 at dahil sa banta ng El Nino.

Naging sanhi rin ng pagtaas ng presyo ng bigas ang paghina ng halaga ng piso.

Nagsimula nang magbenta ng bigas ang pamahalaan sa P29 kada kilo sa mga piling KADIWA center, samantalang inirerekomenda ng Department of Finance na bawasan ang import tariff sa bigas mula sa 20 percent sa 15 percent.

Samantala, sinabi ng isa sa mga kinatawan ng rice industry na kung mapapanatili ng pamahalaan ang mababang presyo ng bigas, magkakaroon ito ng epekto sa international market at magreresulta sa patuloy na pagbaba ng presyo ng bigas.

AUTHOR PROFILE