Default Thumbnail

‘SSB’

July 25, 2022 Joey C. Papa 378 views

JoeyBata pa ako nang marinig ko ang mga letrang “SSB” o “sipsip buto.” Dahil bata pa, hindi ko agad naitindihan ang ibig sabihin noon.

Habang lumalaki ako ay nagiging palasak na salita ang “sipsip-buto.” Dumami na ang gumagamit sa kahit na pabirong pagtuligsa sa mga kaibigan at kalaro.

Sipsip! ‘Yan ang salitang naging popular na hanggang ngayon.

Ginagamit lamang ang tatlong letrang “SSB” kung ayaw iparinig ng nagpapasaring sa pinatutungkulan nito.

Ngunit dahil sa palasak na nga ang gamit naging popular na, ang mga letrang “SSB” ay hindi na rin maaring pabulong na lamang sabihin.

Sa lahat ng usapin sa ating bayan, mula sa paaralan hanggang sa mga trabaho sa pribado at publiko, nagagamit ang salitang “sipsip-buto.”

Sa paaralan na lamang noon ay makikita ang sinumang mag-aaral na may hangad na maging pinakamataas sa kanilang klase o maging sa buong paaralan.

Madalas makikita ang tila masipag na mag-aaral na kilik-kilik niya ang mga notebook ng guro maging ang blackboard at chalk pati na minsan ang pamaypay ng guro habang papunta ang ito sa susunod na kuwarto ng mga mag-aaral na kanyang susunod na tuturuan.

Kung minsan naman ay nag-aabang na ang mag-aaral ng susunod na klase sa pinto ng matatapos na klase. Inaabangan na nito ang guro upang kargahin ang mga gamit nito upang di daw ito mabigatan.

Ang siste, may mga karibal na mga mag-aaral na gusto ring “magpalakas” sa guro at nag-aabang na rin ito sa pagbubuhat ng mga kagamitan ng guro. Nag-aagawan sila ngayon sa mga gamit ng guro na kung minsan ay nagiging dahilan ng pagkasira ng mga ito.

‘Yun iba namang nakakakita sa kanilang mga mag-aaral ay magsasama-sama at sabay-sabay na sisigaw ng; sipsip buto!! SSB! SSB! Pang-aasar, pambubuska, at pangangantiyaw ang tawag sa gawaing ito.

Minsan ay hindi ito pinapansin ng pinaringgang mag-aaral ngunit mayroon din namang napapaiyak sa naririnig na pang-aasar.

Ang mga mag-aaral na hindi naniniwala sa “pagsisipsip” kundi sa kanilang angking kakayahan at katalinuhan ay hindi naniniwalang dapat kargahin ang mga gamit ng guro kundi lamang ito hihingi ng tulong sa kanila. Sa mga “SSB” naman, ang ginagawa nila ay “pagtulong” lamang sa mahal nilang guro.

Ngunit hindi ko alam kung nagkataon lamang o hindi na ang mga “mapagmahal” sa kanilang guro ay kadalasang nakakuha ng mataas na grado. Bukod naman kasi sa may alam din sila sa mga aralin, may alam din sila sa ”PR” na noon ay tinawag na “SSB.”

Maging sa pribado at pampulikong tanggapan ay usong-uso ito. Nauso na nga ang salitang “utak-talangka.” Hinihila umano ng mga inggitero ang mga taong paakyat o paunlad na sa kanilang career. Ang sagot naman ng mga humihila ay dahil may padrino silang nasa kapangyarihan kaya lamang sila “umuunlad.” Naiiwan sa karera ang mga walang koneksyon.

Ang nakakikilabot lang ngayon ay kung sino ang nasa puwesto ay tila hari at reyna talagang sinasamba ng mga “talangka.” Sumasamba sila na kulang na lamang ay “himurin ang tumbong” ng kanilang sinasambang makapangyarihan.

Hindi kasya ang kolum na ito upang talakayin pa ang “SSB” sa iba’t ibang larangan ng buhay Pilipino. Ngunit batid ko sa haba ng aking karanasan sa pakikipag-ugnayan sa maraming tao, kumalat na ang kaisipang “SSB.”

Sinasaluduhan ko naman ang mga kababayan nating hindi gumamit ng impluwensya sa kanilang mga piniling karera sa buhay at naabot nila ang kanilang kinalalagyan nang hindi ginagamit ang “SSB” at pinakamahalaga’y walang tinapakang tao.

AUTHOR PROFILE