Martin

Speaker Romualdez: VP Sara dapat dumalo sa pagdinig ng confi funds

November 23, 2024 Ryan Ponce Pacpaco 138 views

HINAMON ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez si Vice President Sara Duterte na dumalo sa pagdinig ng Kamara de Representantes at ipaliwanag kung papaano nito ginastos ang P612.5 milyong confidential fund ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd).

“Eh ‘di dapat lang siyang sumipot at mag-oath at mag-salita at mag-eksplika dahil lahat ng mga opisyales niya… siya lang yata may alam kung anong nangyari diyan sa mga pondo eh kaya dapat siya ang mag-eksplika,” ani Speaker Romualdez sa isang ambush interview sa Albay.

Sinabi ng lider ng Kamara na mayroong mahigit 300 kinatawan na hindi dapat ipasa ni Duterte ang responsibilidad ng pagsagot sa mga kinukuwestyong paggastos sa kanyang mga tauhan.

“’Wag na niyang ibigay sa mga officials niya sa OVP at sa DepEd. Sana lang magsalita,” dagdag pa ni Speaker Romualdez.

Iniimbestigahan ng House Committee on Good Government and Public Accountability, kilala rin bilang Blue Ribbon Committee, ang mali umanong paggastos ng confidential fund ni Duterte. Nakapagsagawa na ito ng anim na pagdinig.

Dumalo si Duterte sa unang pagdinig ng komite pero tumanggi ito na manumpa na magsasabi ng totoo kaya hindi na tinanong ng mga kongresista.

Hindi rin dumalo sa pagdinig ang mga ipinatawag na sina Assistant Chief of Staff Lemuel Ortonio, Special Disbursement Officer Gina Acosta, at mag-asawang Edward at Sunshine Charry Fajarda na pinaniniwalaang bahagi ng“inner circle” ng Ikalawang Pangulo.

Sa ika-anim na pagdinig ay humarap si OVP Undersecretary and Chief of Staff Zuleika Lopez pero itinanggi naman nito na mayroon siyang kinalaman sa paggastos ng confidential fund.

Ang kanyang paiwas na pagsagot sa mga tanong ay nauwi sa pag-cite for contempt sa kanya.

Kinuwestyon din ang kanyang sulat sa Commission on Audit na nagsasabi na huwag ibigay sa Kamara ang mga dokumento kaugnay ng confidential fund.

Si Lopez ay makukulong hanggang sa Nobyembre 25 kung kailan muling magsasagawa ng pagdinig ang komite.

Ang pahayag ni Speaker Romualdez ay nagpapakita umano ng pagkadismaya ng mga kongresista sa hindi pagdalo ni Duterte upang maipaliwanag kung papaano nito ginastos ang kabuuang P612.,5 milyong confidential fund.

Iginiit ng Kamara ang pangangailangan na magkaroon ng transparency at pananagutan sa paggastos ng pera ng bayan.

AUTHOR PROFILE