Martin

Speaker Romualdez todo suporta sa NDF-PH peace talks

November 29, 2023 Ryan Ponce Pacpaco 109 views

BUONG pusong pagsuporta ang ibinigay ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez sa desisyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. na buksang muli ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng gobyerno at ng CPP-NDF-NPA.

“Ito ay isang matapang at mahalagang hakbang tungo sa layunin nating makamit ang isang mapayapa, nagkakaisa, at progresibong bansa,” ani Speaker Romualdez.

“Bilang lider ng ating bansa, ipinakita ng ating Pangulo ang kahandaan na makinig sa mga hinaing ng mga kapatid nating rebelde at maghanap ng solusyon para tuluyan nang matuldukan ang lahat ng kaguluhan sa ating mga komunidad,” dagdag pa ni Speaker Romualdez.

Ikinalugod din ni Speaker Romualdez ang pagiging bukas ng CPP-NDF-NPA na muling makipag-usap sa pamahalaan at makipagtulungan para wakasan ang kahirapan at iba pang problema ng lipunan na itinuturong sanhi ng pag-aaklas laban sa gobyerno.

“Batid namin na ang pagbabalik sa negosasyon ay hindi nangangahulugan ng tigil-putukan sa magkabilang panig. Simula lamang ito sa mahabang landas na lalakbayin natin tungo sa kapayapaan,” sabi pa ni Speaker Romualdez.

“Gayunpaman, umaasa ako na walang anumang kondisyon na magpapatigil sa usapang pangkapayapaan. Hindi dapat mawalan ng loob ang dalawang panig anuman ang balakid na haharapin nila sa negosasyon,” dagdag pa nito.

Ayon kay Speaker Romualdez ang “tunay na kaunlaran ay makakamit natin kapag ang mga baril ay ginawang mga araro at traktora, kapag ang mga kamay na dating lumalaban ay nagkakaisa sa pagbuo ng ating bansa.”

Hinimok naman ni Speaker Romualdez ang mga Pilipino na suportahan ang mga hakbang patungo sa kapayapaan.

“Ang paglalakbay patungo sa kapayapaan ay mahaba at masalimuot ngunit bawat hakbang ay isang hakbang palapit sa isang kinabukasan kung saan ang bawat Pilipino ay maaaring mabuhay nang may dignidad at kasaganaan. Maglakad tayo sa landas na ito nang magkakasama,” dagdag pa ni Speaker Romualdez.

AUTHOR PROFILE