
Speaker Romualdez, Tingog Party-list sumaklolo sa Cotabato fire victims
AGAD na sumaklolo ang tanggapan nina Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez at Tingog Party-list Reps. Yedda Marie K. Romualdez at Jude Acidre sa mga pamilyang nasunugan sa Cotabato City noong Hulyo 5.
Nagpadala ang Tingog Party-list ng 250 hot meals at 80 galon ng purified water sa Datu Siang Elementary School sa Cotabato City.
Nagsisilbing evacuation center ng mga nasunugan ang paaralan matapos ang sunog bandang alas-9 ng gabi.
Napag-alaman ng Tingog na ito ang unang pagkakataon na makakakain nang maayos ang mga biktima mula nang maganap ang sunog.
Batay sa ulat, nasa 200 pamilya ang naapektuhan ng sunog na naganap noong Hulyo 5, 2023 sa Purok Tadman, Poblacion 7, Cotabato City.
Tinatayang 80 kabahayan ang natupok sa insidente.
Sa Martes, Hulyo 11, mamamahagi naman ng relief goods ang tanggapan ni Speaker Romualdez sa mga biktima.
Agad ding nakipag-ugnayan si Speaker Romualdez, Rep. Romualdez, chairperson ng House Committee on Accounts, at House deputy majority leader Acidre kay Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian para mabigyan ng Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) ang mga biktima ng sunog.
Itinakda ang pamimigay ng ayuda sa ilalim ng AICS sa Miyerkoles, Hulyo 12.