Sandro1

Speaker Romualdez, Rep Sandro Marcos, Revilla nakiramay sa pumanaw na BBM-Sara youth leader

March 23, 2023 Ryan Ponce Pacpaco 276 views

SA unang araw ng congressional break, dumalaw sina House Senior Deputy Majority Leader at Ilocos Norte Rep. Ferdinand Alexander “Sandro” A. Marcos at Agimat Party-list Rep. Bryan B. Revilla sa burol ni John Paul “JP” Espiritu Pabalan, ang PWD youth leader ng Team BBM-Sara sa nakaraang kampanya.

Pumunta sina Representatives Marcos at Revilla sa burol ni Pabalan sa Governor’s Drive Bancal sa Carmona, Cavite at iniabot ang tulong pinansyal na ipinadala nina Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. at Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez.

Si Pabalan, 25-taong gulang, ay pumanaw sanhi ng sakit noong Marso 17.

Ipinaabot din ni Speaker Romualdez ang kanyang pakikiramay kay Pabalan.

“Masakit sa amin ang pagkawala ni JP. Malaki ang naiambag niya para mapag-usapan at matigil ang pinsala na dulot ng bullying at bashing sa social media.

Maraming salamat, JP. Saludo kami sa iyo,” sabi ni Speaker Romualdez.

Si Pabalan ay nakaranas ng pamba-bash sa social media noong nakaraang kampanya matapos na sumuporta kay Pangulong Marcos na noon ay kandidato pa lamang.

“Naging BBM supporter po ako noong 2020 Marami po akong inatendan na orientation via Zoom para makapasa as BBM Youth Advocate. Una ko pong ginawang activity noon ay ‘yung Bring Back Marcos,” sabi ni Pabalan sa isang video noong nakaraang kampanya.

“Nag-enjoy po ako sa activity na ‘yon kasi ipinakita ko iyung pagmamahal ko sa aking inidolo, iyung pagsuporta ko kay BBM at ganon din po kay Ms. Sara Duterte na ‘yong mahirap hindi ka ganoon kaliit,” sabi pa ni Pabalan.

Dahil sa ginawa kay Pabalan, inilungsad ng partidong Lakas-Christian Muslim Democrats (CMD) ang #StopTheHate campaign sa social media bilang bahagi ng mga inisyatiba upang labanan ang bullying sa pagitan ng mga suporter ng magkakalabang kandidato.

Si Pabalan ay ililibing sa Biyernes, Marso 24.

AUTHOR PROFILE