Speaker Romualdez pinuri DOJ
Sa kahandaan na sumunod sa utos ni PBBM na isara lahat ng POGO
PINURI ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang pahayag ni Justice Sec. Jesus Crispin Remulla na susunod ito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. na tuluyang ipagbawal na ang operasyon ng mga Philippine offshore gaming operators (POGO) sa bansa.
Muli ring iginiit ni Speaker Romualdez ang kahalagahan ng whole-of-government approach upang tuluyang mapahinto ang operasyon ng POGO sa bansa.
Sinabi ni Remulla na gagawin nito ang lahat upang ipatupad ang pagpapahinto sa mga POGO sa pagtatapos ng taon nang hindi lalabagin ang karapatang pantao, mga umiiral na batas sa bansa gayundin ang mga international law.
“We at the House of Representatives welcome this statement from our Justice Secretary, who is also a former chamber member. Kaisa po kami ng DOJ sa implementation ng total ban ng ating Pangulo sa POGOs na ito,” saad ni Speaker Romualdez, na una nang ipinag-utos na gawing prayoridad ang pagpapatibay ng anti-POGO bill kasunod ng atas ng Pangulong Marcos sa kanyang huling State of the Nation Address (SONA).
“We share the same commitment here in the legislature. Nakita natin ang lahat ng social costs na dala ng mga POGOs na ito, and we are also determined to end this menace once and for all, as ordered by no less than our President,” dagdag pa ng lider ng Kamara de Representantes.