Speaker Romualdez pinuri bagong TV show ng Young Guns
PINURI ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang “Young Guns” ng Kamara de Representantes sa kanilang paglulungsad ng TV show na tinawag na “Young Guns on the Move” kung saan ihahayag nila ang kanilang pananaw sa iba’t ibang isyu, mga programa at iba pa.
Sinabi ni Speaker Romualdez na ang inisyatiba ng Young Guns o mga batang miyembro ng Kamara ay pagpapakita ng kanilang kahalagahan sa lehislatura at magdadala ng mga bagong ideya na magagamit sa pagganap ng Kongreso sa papel nito sa pagbuo ng polisiya.
“Natutuwa po tayo at tunay na nag-step up ang ating mga nakababatang mambabatas dito sa Kongreso sa kanilang trabaho para sa bayan at sa kanilang responsibilidad sa kanilang mga kinakatawan. They are not only marking significant strides in their respective roles but are also fearlessly voicing their convictions on matters of national importance,” ani Speaker Romualdez.
Ang show na “Young Guns on the Move” ay inilungsad sa Kamara nitong Martes.
Eere ang programa tuwing Huwebes, mula 5:15 ng hapon hanggang 6 ng gabi sa PTV4, CongressTV Channel 14 sa Metro Manila, Channel 46 sa GMA Affordabox at Channel 2 sa ABS-CBN TVPlus.
Ito ay ipalalabas din sa Facebook page at YouTube channel ng Young Guns of the 19th Congress, CongressTV, at PTV4.
“Isang napakagandang platform ito para sa ating mga kababayan na makita at marinig first-hand ang angking kagalingan ng ating mga nakababatang mambabatas. It is a highlight of participative governance and transparency, dahil mabri-bridge ang gap sa pagitan ng mga congressman at kanilang mga constituents,” saad pa ni Speaker Romualdez.
Ipalalabas din sa show ang mga proyekto, serbisyo, at programa na hatid ng Young Guns sa kanilang mga constituent at ang mga magagandang lugar sa kanilang distrito.
Kasama sa naging host ng programa sina Speaker Romualdez at Rep. Jude Acidre para sa Leyte; Senior Deputy Majority Leader Sandro Marcos para sa Ilocos Norte; Deputy Speaker David “Jayjay” Suarez para sa Quezon Province; Reps. Jil Bongalon at Rodge Gutierrez para sa Albay; Rep. Lordan Suan para sa Cagayan de Oro;
Rep. Inno Dy para sa Isabela; Rep. Paolo Ortega para sa La Union; Rep. Zia Alonto Adiong para sa Lanao del Sur; Rep. Mika Suansing para sa Nueva Ecija; Rep. Migs Nograles para sa Davao City; Rep. Dette Escudero para sa Sorsogon; Rep. Jay Khonghun para sa Zambales at Olongapo City; at Reps. Jolo Revilla, Ping Remulla, Aniela Tolentino, at AJ Advincula para sa Cavite
“Inaanyayahan ko po ang lahat ng ating kababayan na manood at sundan ang mga episodes ng Young Guns on the Move. Magandang pagkakataon po ito para maunawaan natin ang trabaho ng ating mga mambabatas at ang mga programa’t serbisyo na maaari ninyong makuha mula sa kanilang tanggapan,” sabi ni Speaker Romualdez.
“To the young lawmakers featured in this program, may your paths encourage more young Filipinos to step forward, participate in governance, and contribute to nation-building. Let us all look forward to more innovative and inclusive governance as these young leaders continue to move and shake the pillars of our political landscape,” pagpapatuloy ng lider ng Kamara.
Ang mga miyembro ng Young Guns ay humaharap din sa daily press briefing sa Kamara upang ipaghayag ang kanilang opinyon sa iba’t ibang isyu.