Martin Napaka-successful, ayon kay House Speaker Ferdinand Martin Romualdez, ang paglulunsad ng Bagong Bayaning Magsasaka (BBM) rice sa Cabanatuan City noong Biyernes. Ayon kay Romualdez, naisakatuparan ito dahil sa vision ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., kaagapay ang National Irrigation Administration at ang House of Representatives na mapalakas ang inisyatiba para sa food security ng bansa. Nasa larawan sina Speaker Romualdez, NIA chief Eddie Guillen, Deputy Speaker Dong Gonzales, Jr., Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co at UPRIIS head Helen Viado.

Speaker Romualdez, PBBM naglunsad ng BBM rice sa NE

September 14, 2024 Steve A. Gosuico 151 views

CABANATUAN CITY–Pumunta sa siyudad na ito noong Biyernes si House Speaker Ferdinand Martin Romualdez para ilunsad ang Bagong Bayaning Magsasaka (BBM) Rice.

Inilarawan ni Speaker Romualdez na tagumpay ang aktibidad na iyon dahil may mabibili ng bigas sa halagang P29 kada kilo.

Kasama sa paglulungsad ni Romualdez sina National Irrigation Administration chief Engr. Eduardo Eddie G. Guillen, Senior Deputy Speaker Aurelio “Dong” D. Gonzales Jr. (Third district, Pampanga), Ako Bicol Partylist Rep. Elizaldy “Zaldy” S. Co, chairman ng House committee on appropriations at NIA-Upper Pampanga River Integrated Irrigations Systems chief Engr. Gertrudes “Helen” Viado.

“Food security is national security kaya kayo po na ating magsasaka prayoridad po ni BBM.

Itong programa nating Bagong Bayaning Magsasaka Rice, ito talaga ang vision ng ating Presidente Ferdinand R. Marcos Jr.,” saad ni Speaker Romualdez.

Ayon kay Romualdez, ang House of Representatives patuloy na magbibigay ng buong suporta sa mga programa ni NIA Chief Guillen.

Nasa 1,500 mini-bags ng tig-10 kilo ng bigas ang ibinenta ng P29 kada kilo sa mga senior citizens, persons with disabilities, solo parents, at mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program na nagtipon-tipon sa UPRIIS gym dito.

“Napaka-successful nitong BBM rice grand launch dito at P29 kada kilo. Tuwang-tuwa ang ating mamamayang nandirito,” ani Romualdez.

Sinabi ni Guillen na ang BBM rice na ito ay nagmula sa mga magsasaka sa buong bansa na lumahok sa rice contract farming program ng NIA.

“Ito ay umaayon sa pangako ni Pangulong Marcos Jr. na palakasin ang seguridad sa pagkain at isulong ang napapanatiling paglago ng ekonomiya at upang lalo pang isulong ang mga layunin ng Bagong Pilipinas,” dagdag ni Guillen.

Binisita rin ni Pangulong Marcos ang Guimba, Nueva Ecija para pangunahan ang paglulunsad ng Agri-Puhunan at Pantawid sa libu-libong magsasaka.

Pagkatapos sa Guimba, lumipad ang Pangulo sa Nueva Ecija Coliseum sa Palayan City para pangunahan ang pamamahagi ng Certificates of Condonation with Release of Mortgage sa 6,000 agrarian reform beneficiaries at Turnover ng Agri-credit Assistance sa mga ARB na ito.

Ang pagbisita ni Marcos Jr. sa Nueva Ecija kasabay ng kanyang ika-67 kaarawan.

Sabi ni Pangulo, napaka-espesyal ang kanyang kaarawan ngayong Biyernes, Setyembre 13 dahil nagkaroon siya ng pagkakataong ipagdiwang ito kasama ang mga magsasaka sa Nueva Ecija.

“Napaka-special ng araw na ito dahil kapiling ko po kayong lahat, kapiling ko kayo na magigiting na magsasaka na isa sa haligi ng ating lipunan.

Kayo ang bumubuhay sa ating bayan, sa inyo nagmumula ang ating kasaganaan, sa inyong mga kamay nakasalalay ang seguridad ng pagkain ng ating bansa.

Nararapat lamang na gunitain natin at kilalanin natin ang inyong kabayanihan at bigyang pugay ang inyong walang kapantay na kahusayan at kasipagan,” saad ni Pangulong Marcos.

AUTHOR PROFILE