Speaker Romualdez, natuwa sa pagbaba ng implasyon sa 1.9%
IKINATUWA ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez ang pagbaba ng inflation rate ng bansa sa 1.9% na lamang ngayong Setyembre.
Sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), bumagsak ang implasyon ng bansa sa 1.9%, na malaking pagbaba kumpara sa 3.3% noong nakaraang buwan.
Sa pagtaya ng ilang ekonomista, marahil ito ay dala ng pag-alis ng taripa ng mga imported na bigas at inaasahang bababa na ang presyo ng bigas.
Ayon pa sa ilang eksperto, ang sunud-sunod na job fair ng pamahalaan at pagkakaroon ng mga trabaho ng tao ay isa rin sa mga dahilan ng pagbuti ng inflation.
Tingin naman ng Kongreso, ang walang humpay na pagbibigay ng tulong ng administrasyong Marcos sa mga magsasaka at mahihirap at sa mga estudyante sa mga Bagong Pilipinas Serbisyo Fair (BPSF) ang dahilan din ng pagganda ng inflation rate.
Sinabi naman ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez na, “We will continue to support the programs of Pres. Marcos para mas mapaganda pa ang buhay ng mga kababayan natin.”
Dagdag pa niya, “Gagawin namin ang lahat dito sa Kongreso para maiangat pa ang buhay ng mga Pilipino.”