Martin Si Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ay nagbigay ng mensahe sa pagbubukas ng Parliamentary Intelligence-Security Forum (PI-SF) 2025 sa People’s Center ng House of Representatives umaga ng Lunes. Kasama niya si PI-SF Chairperson at dating US Congressman Robert Pittenger. Kuha ni VER NOVENO

Speaker Romualdez isinulong mas matatag na ugnayan ng mga bansa

February 3, 2025 Ryan Ponce Pacpaco 158 views

NANANAWAGAN si Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez na mas lalo pang patatagin ang ugnayan ng mga bansa para sa mas matatag na ekonomiya at responsableng pamamahala sa teknolohiya, upang harapin ang mga hamon sa seguridad at ekonomiya sa Indo-Pacific region.

Sa kanyang talumpati sa harap ng mga kasalukuyan at dating mambabatas mula sa ibang bansa, mga diplomat, at mga eksperto sa seguridad at teknolohiya sa Parliamentary Intelligence-Security Forum (PI-SF), binigyang-diin ni Speaker Romualdez na ang tumitinding tensiyong geopolitikal, kahinaan ng ekonomiya, at mga hamong dulot ng teknolohikal na pagbabago sa rehiyon ay nangangailangan ng isang sama-samang pagtugon mula sa pandaigdigang komunidad.

“We gather at a critical moment when the Indo-Pacific—home to 4.7 billion people, or 60% of the global population, and a driving force of global trade and innovation—is both a region of immense opportunity and unprecedented challenges,” ani Speaker Romualdez.

Aniya, “It is a region where economic dynamism coexists with intensifying strategic competition, geopolitical tensions and non-traditional security threats. These realities demand our collective action and resolve as parliamentarians and policymakers.”

Ang PI-SF ay isang pandaigdigang pagtitipon ng mga mambabatas upang talakayin ang mga intelligence, security at economic threats, na may malaking papel sa pagpapalakas ng multilateral cooperation laban sa mga bagong hamon sa buong mundo.

Dahil ang Maynila ang nagsisilbing host ng forum ngayong taon, nakatuon ang talakayan sa Indo-Pacific region, na kinabibilangan ng mga malalaking ekonomiya tulad ng China, Japan, India at South Korea, at patuloy na nagiging sentro ng mga hindi pa nareresolbang hidwaan at kompetisyon.

Sa kanyang talumpati, pinagtibay ni Speaker Romualdez ang pangako ng Pilipinas na pagsunod sa international law sa pagtatanggol ng karapatan ng Pilipinas sa West Philippine Sea (WPS).

Binanggit ni Speaker Romualdez ang desisyon ng Arbitral Tribunal noong 2016 sa ilalim ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) na pumapabor sa Pilipinas kaugnay sa pinagtatalunang teritoryo.

Ipinunto niya na ang pagpapalaganap at pagpapatibay ng desisyon ay napakahalaga upang mapanatili ang kapayapaan at katatagan sa buong rehiyon.

“For the Philippines, the situation in the West Philippine Sea remains a direct and urgent concern. This is not just a matter of territorial integrity—it is a test of the international community’s commitment to upholding international law and ensuring freedom of navigation,” saad pa nito.

Nagbabala rin si Speaker Romualdez laban sa gray-zone tactics, pamumwersa at militarisasyon sa artificial islands na nagdudulot ng banta sa kapayapaan at katatagan sa rehiyon.

Sinabi pa ng pinuno ng Kamara na gumagawa na ng mga hakbang ang Pilipinas upang palakasin ang maritime jurisdiction ng bansa, kabilang na ang pagsasabatas ng Philippine Maritime Zones Act at Philippine Archipelagic Sea Lanes Act.

“The West Philippine Sea issue underscores the importance of preserving a rules-based international order,” wika ng lider ng Kamara.

“For smaller nations like the Philippines, this order serves as a safeguard against the arbitrary use of power and ensures that disputes are resolved peacefully, through dialogue and diplomacy, rather than coercion or intimidation,” dagdag pa ng mambabatas.

Hinihikayat niya ang mga kapwa mambabatas na gamitin ang kapangyarihan sa paggawa ng batas upang mas mapagtibay ang alyansa at itaguyod ang pandaigdigang kasunduan para sa katatagan ng rehiyon.

Bukod sa isyu ng teritoryo, binanggit din ni Speaker Romualdez ang paghina ng ekonomiya na isa ring malaking banta sa seguridad, partikular sa Indo-Pacific, kung saan naantala ang supply chain, economic coercion at paglawak ng hindi pagkakapantay-pantay na maaaring magdulot ng kawalan ng katatagan sa pag-unlad

“The Indo-Pacific’s economic security depends not just on its strategic location but also on the resilience of its economies and institutions,” ayon pa kay Speaker Romualdez.

“Persistent inequalities continue to threaten regional stability. Without adequate social protections, 266 million people in Asia could fall into poverty by 2040,” babala pa nito.

Kaya’t hamon ni Speaker Romualdez ang pagkakaroon ng mas malakas na regional economic frameworks, partikular sa pamamagitan ng Regional Comprehensive Economic Partnership (RCEP) at ang Comprehensive and Progressive Agreement for Trans-Pacific Partnership (CPTPP), upang matiyak ang makatarungan at napapanatiling mga polisiya sa kalakalan.

Binigyang-diin pa ng mambabatas ang pangangailangan na pangalagaan ang supply chains at critical industries, tulad ng semiconductors, critical minerals at advanced manufacturing.

“We must strengthen multilateral economic frameworks like RCEP and CPTPP, ensuring their inclusive and equitable implementation,” giit pa ni Speaker Romualdez.

“We must also secure global supply chains, particularly in semiconductors, critical minerals, and advanced manufacturing, against disruptions caused by geopolitical tensions or natural disasters,” dagdag pa nito.

Kasabay nito, hinikayat din ng pinuno ng Kamara de Representantes ang mga gumagawa ng batas na bigyang-tuon ang climate-resilient economies at sustainable infrastructure, dahil ang pag-unlad aniya ay dapat na kaakibat ang pangangalaga sa kalikasan.

Binigyang-diin din ng Speaker ang lumalaking mga panganib ng cyber threats, maling impormasyon at maling paggamit ng artificial intelligence (AI), at nagbabala na ang mga umuusbong na teknolohiya ay kinakailangan ng responasableng pamamahala upang maiwasan ang destabilization.

“The Indo-Pacific stands at the forefront of technological innovation, but emerging technologies also pose risks to political stability, economic security, and social trust,” saad nito.

Iginiit ni Speaker Romualdez na kailangan magtayo ang mga gobyerno ng matibay na mga hakbang sa cybersecurity, data privacy protection at mga regulasyon sa AI upang maiwasan ang mga cyberattacks, espionage at ang pagkalat ng maling impormasyon.

Binanggit din niya na ang teknolohiya ay dapat gamitin upang isulong ang mga layunin sa pag-unlad, kabilang ang mga pamumuhunan sa renewable energy at pag-aangkop sa klima.

“Our collective challenge is to establish clear regulations and safeguards to prevent the malicious use of technology—whether through cyberattacks, data breaches, or AI-driven disinformation campaigns,” ayon pa sa kongresista.

Hamon pa ni Speaker Romualdez sa mga mambabatas na isulong ang regional strategy na nakabase sa pagpipigil, katatagan at dedikasyon upang mapanatili ang kapayapaan at kaunlaran sa Indo-Pacific.

“The Indo-Pacific’s challenges are immense—but so are its opportunities,” saad niya. “Our region’s diversity is its greatest strength, and through dialogue, cooperation, and decisive action, we can navigate these complex realities together.”

Hinikayat niya ang kanyang mga kapwa mambabatas na suportahan ang multilateral cooperation at ipaglaban ang rule of law, na kinikilala na ang Indo-Pacific ay hindi lamang isang rehiyon ng kompetisyon, kundi isang rehiyon na may magkakasamang layunin para sa katatagan at pag-unlad.

“As we have emphasized in previous forums, let us uphold three guiding principles: deterrence—to defend against security threats and maintain stability; resilience—to strengthen our institutions and economies; and commitment—to uphold sovereignty, the rule of law, and regional cooperation,” giit pa nito.

Pinagtibay ng PI-SF ang kahalagahan ng batas sa pagpapalakas ng rules-based international order, kung saan ipinakita ni Speaker Romualdez ang Pilipinas bilang nangungunang tagapagtaguyod ng seguridad sa rehiyon, katatagan ng ekonomiya at responsableng pamamahala ng teknolohiya.

AUTHOR PROFILE