Default Thumbnail

Speaker Romualdez ipinangako malaking panalo ng admin senatorial bets sa Leyte

March 14, 2025 People's Tonight 136 views

Nangako si Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ng malaking panalo ng mga kandidato sa pagkasenador ng Alyansa para sa Bagong Pilipinas, ang senatorial slate ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanilang pangangampanya sa Tacloban City at lalawigan ng Leyte na dinaluhan ng 100,000 katao.

Ginawa ni Romualdez ang pahayag kasabay ng pangangampanya ng mga senatorial candidates ng Tacloban City at Leyte nitong Biyernes.

“Ipinapangako ko na mananalo nang malaki ang lamang ng mga kandidato ng ating Pangulo dito sa Tacloban City at Leyte. We will deliver a big victory for the Alyansa ticket,” ani Speaker Romualdez, lider ng Kamara na mayroong 306 kinatawan.

Ang Leyte ay itinuturing na balwarte ng mga Marcos at Romualdez.

“Malawak at matatag ang suporta sa Pangulo ng aming rehiyon. I am sure that this will translate into votes for Alyansa candidates on May 12,” saad pa ng lider ng Mababang Kapulungan ng Kongreso.

Ayon pa sa kanya ang mga botante ng Tacloban, Leyte at Eastern Visayas ay pipili ng mga kandidato na makakatuwang nina Pangulong Marcos sa pagkamit ng kanyang mga mithiin na pagandahin ang kalagayan ng buhay ng mga Pilipino at magdala ng pag-unlad sa mga probinsya hanggang sa pinaka liblib na lugar ng bansa.

Batay sa halalan noong 2022, sinabi ni Speaker Romualdez na nagbigay ang Leyte ng 641,065 boto kay Pangulong Marcos, malayo sa kaniyang pinakamalapit na katunggali ay nakakuha lamang ng 99,207 na boto.

“Leyteños consider President BBM as one of their own,” wika pa niya.

Tubong Tacloban ang ina ng Pangulo na si dating First Lady Imelda Romualdez Marcos, na minsan na ring nagsilbi bilang kinatawan ng unang distrito ng Leyte.

Ang kampanya sa Tacloban ang ika-siyam na serye ng campaign sortie ng administration Alyansa slate na layong makalikom ng suportasa mahahalagang rehiyon para sa nalalapit na midterm elections sa Mayo.

Noon pa man ay malakas na ang mga Marcos at Romualdez sa lalawigan ng Leyte na mayroong 1.4 milyong rehistradong botante.

Binubuo ang Alyansa nina dating Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos, Makati City Mayor Abby Binay, Senator Ramon “Bong” Revilla Jr., Senator Pia Cayetano, dating Senador Panfilo “Ping” Lacson, Senator Lito Lapid, Senator Imee Marcos, dating Senador Manny Pacquiao, dating Senate President Vicente “Tito” Sotto III, Senator Francis “Tol” Tolentino, ACT-CIS Representative at dating Social Welfare Secretary Erwin Tulfo, at Deputy Speaker at Las Piñas Rep. Camille Villar.

AUTHOR PROFILE