Speaker Romualdez: Bilihan ng murang bigas paramihin
HINIKAYAT ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang Department of Agriculture (DA) at iba pang kaukulang ahensya na paramihin ang mga lugar kung saan mayroong Kadiwa store na nagbebenta ng bigas sa mas mababang presyo.
Ginawa ni Speaker Romualdez ang pahayag kasabay ng pagpuri nito sa paglulungsad ng Bagong Bayaning Magsasaka Rice program—isang kolaborasyon ng National Irrigation Authority (NIA) at mga miyembro ng irrigation association, na naglalayong makapagbenta ng murang bigas sa mga bulnerableng sektor.
Sa pagtitipon na isinagawa sa NIA Upper Pampanga River Integrated Irrigation Systems (UPRIIS) Gymnasium sa Cabanatuan City, kinilala ni Speaker Romualdez ang potensyal ng programa na makatulong sa pagtiyak ng seguridad sa pagkain ng bansa at pagpapababa ng presyo ng mga bilihin.
Kinilala ni Speaker Romualdez ang Department of Agriculture (DA) sa pagtugon nito sa panagawan na paramihin ang mga Kadiwa centers, kung saan makabibili ng bigas sa halagang P29 kada kilo upang mas maraming mamimili ang makinabang dito.
“Today’s launch of the Bagong Bayaning Magsasaka Rice highlights the unwavering commitment of this Administration to do right by the Filipino, as well as the power of united action to achieve what others thought was impossible,” sabi ni Romualdez, ang lider ng Kamara na mayroong mahigit 300 kinatawan.
“Gaya ng sinabi ng ating Mahal na Pangulo sa kanyang nakaraang SONA, ang lahat ng tagumpay sa ekonomiya ay walang kabuluhan kung hindi ito nadadama ng ating mga kababayan. Ang bigas na abot-kaya ang presyo ay mithiin ng ating mahal na Pangulo para sa bawat pamilyang Pilipino,” sabi pa niya.
Nagpasalamat din si Romualdez sa mga taong nasa likod ng BBM Rice Program lalong lalo na sa mga magsasaka at asosasyon ng mga nagpapatubig, sa kanilang pagtulong sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. na maparami ang suplay at mapababa ang presyo ng bigas.
Kasama niyang dumalo sa paglulunsad sina Senior Deputy Speaker at Pampanga 3rd District Rep. Aurelio “Dong” Gonzales, Jr., at House Appropriations Committee Chair at Ako Bicol Partylist Rep. Elizaldy Co.
“Maraming salamat din sa DA at nakumbinsi natin silang palawakin ang mga puwesto ng mga KADIWA centers na nagtitinda ng bigas sa presyong hindi lampas sa 30 pesos,” ani Romualdez
Sa kanyang naunang pagbisita sa ilang palengke sa Metro Manila, kinumpirma ni Romualdez na may bigas ng ibinibenta sa halagang P42 kada kilo.
“Sa mga darating na araw at buwan, makikita na ang mga KADIWA centers sa mga palengke at supermarket dito sa Metro Manila at ibang panig ng bansa,” aniya.
“Sa pamamagitan ng ating pagtutulungan, makakasiguro ang marami nating kababayang Pilipino—mga benepisyaryo ng 4Ps, ang ating mga senior citizens, mga may kapansanan, at marami pang iba—na sila ay makakabili ng bigas sa halagang hindi lalampas ng tatlumpung piso kada kilo,” saad pa niya.
Binigyang diin ng Speaker na ang mga hakbang na ito ay hindi lang pang madaliang tulong sa pinapasan ng mga pamilyang Pilipino ngunit nakakatulong din sa hangarin ng gobyerno na masolusyunan ang inflation o bilis ng pagtaas ng presyo ng bilihin at pagkakaroon ng seguridad sa pagkain sa bansa.
Muling tiniyak ni Speaker Romualdez ang pagsisikap ng Kamara na suportahan ang mga programa ng Pangulong Marcos Jr. upang maging abot-kaya ang presyo ng mga bilihin at matiyak na sapat ang suplay ng pagkain.
Tinukoy pa ni Speaker Romualdez ang mahalagang papel ng Kamara sa pagpasa ng mga lehislasyon para protektahan ang kapakanan ng mga Pilipino pati na ang aktibong pagpapatupad ng kanilang oversight powers.
“Dahil sa imbestigasyon namin sa House of Representatives, nabuwag natin ang mga sindikatong responsable sa pagtaas ng presyo ng sibuyas at gulay noong isang taon. Nakilala rin natin ang lider ng sindikatong ito at pina-imbestigahan sa awtoridad,” sabi ni Romualdez
Kumpiyansa naman si Speaker Romualdez na kasabay ng pagpasok ng anihan at pagdating ng mga inangkat na biagas sa susunod na mga buwan ay lalo pang bababa ang presyo nito sa mga pamilihan.
“Indeed, much can be achieved when we work together. Let our achievement today be another stepping stone for higher and greater aspirations, for the benefit of the Filipino people,” pagtatapos niya
“Sama-sama nating harapin at pagtagumpayan ang bawat hamon ng panahon, para sa ating mga kababayan,” dagdag pa ng lider ng Kamara.