Posas

‘Spa-kol’ ni raid, 8 bebot nasagip

November 30, 2023 Edd Reyes 329 views

NAILIGTAS ng pulisya ang walong babaing therapist na pinaniniwalaang suma-sideline sa pamamagitan ng pagbebenta ng panandaliang aliw sa ni-raid na wellness spa noong Huwebes sa Las Piñas City.

Bigo ang mga pulis na matiklo ang may-ari ng spa sa Brgy. Pamplona Dos nang salakayin ng District Special Operation Unit ng Southern Police District (DSOU-SPD) kasama ang Women and Children Concern Section (WCCS) at Department of Social Welfare and Development-National Capital Region (DSWD-NCR) dakong alas-12:30 ng madaling araw.

Naaresto ang dalawang tauhan ng spa, ayon sa mga pulis.

Sa report ni SPD Director P/BGen. Mark Pespes, nakatanggap ng impormasyon ang DSOU sa kababalaghang nagaganap sa wellness spa sa pagitan ng therapist at kanilang customer na handang magdagdag ng bayad kapalit ng panandaliang aliw.

Dahil dito, ikinasa ng DSOU ang entrapment sa pamamagitan ng pagpapain ng pulis na magpapanggap na customer.

Nasamsam sa pagsalakay ang P500 markadong salapi, condoms, tatlong logbook na naglalaman ng detalyadong pangalan ng therapist at kanilang customer na humirit ng extra service, plastic basin na may bimpo, 20 kahon ng condom at business cards ng wellness spa.

Ayon pa sa report ng pulisya, kilala na nila ang may-ari ng establisimyento matapos makumpiska ang litrato ng business permit mula sa Department of Trade and Industry (DTI) at Tax Declaration kung saan nakalagay ang kanyang pangalan kaya’t tinutugis ngayon ng mga operatiba ng DSOU.

AUTHOR PROFILE