SP Sotto tiwalang papanagutin ni PBBM mga smuggler sa DA at BOC!

June 27, 2022 Marlon Purification 111 views

Marlon PurificationMAY hawak nang listahan si incoming President Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr., hinggil sa mga taong sangkot sa ‘agricultural smuggling.’

Ayon kay Senate President Tito Sotto, ang listahang ito ay nasa kamay na ni PBBM at umaasa siyang gagawan ito ng kaukulang aksiyon ng papasok na administrasyon.

Resulta ang listahan ng mga isinagawang Senate inquiry kamakailan hinggil sa talamak na smuggling ng mga produktong pang-agrikultura na pumapatay sa mga kababayan nating magsasaka at nagpapabagsak lalo sa ating ekonomya.

Sinabi ni Sotto na isinumite na rin ang Committee Repprt hinggil sa agricultural smuggling.

Ang lahat ng pangalang nasasangkot ay binanggit sa naturang report at naniniwala tayong anumang araw mula ngayon ay makukuha na ito ng mga kasamahan natin sa Senate media.

Ayon sa kanya, maraming matataas na opisyal mula sa Bureau of Customs (BOC) at Department of Agriculture (DA) ang pinangalanan dito.

“Alam nating may gagawing aksiyon para sa kanila ang incoming president,” sabi pa ni Sotto.

Idinagdag ng beteranong senador na ang smuggling sa DA ay hindi magtatagumpay.

Sa ganang akin, magandang masampolan ni PBBM kung sinu-sino ang mga taong sinasabing sangkot sa smuggling.

Dito makikita ang political will ng papasok na administrasyon.

Dapat kasuhan agad ang mga taong sangkot at ipakulong kung may matibay na ebidensiya laban sa kanila.

Upang sa ganoon ay mapatunayan ng papasok na administrasyon na seryoso ang Pangulong Marcos na malinis ang pamahalaan.

Lalo na’t si Pangulong Marcos pa mismo ang sekretaryo ng DA.

At tulad ni SP Sotto, umaasa tayong magkakaroon ng resulta ang isinumiteng committee report ng Senado upang hindi na maulit ang ganitong uri ng smuggling na isinagawa pa mismo sa gitna ng pandemya.