Chiz

SP Chiz: Dagdag trabaho, career dev’t sa EBET Act

November 6, 2024 PS Jun M. Sarmiento 90 views

KARAGDAGANG trabaho para sa maraming Pilipino.

Ito ang panawagan ng pinuno ng Senado kung saan ay itinutulak nito ang Enterprise-Based Education and Training Framework (EBET) Act na mag-iinstitusyonalisa at magpapalakas sa mga apprenticeship program sa bansa at magbubukas ng daan para sa paghasa ng mas maraming Pilipino bilang mga highly-skilled at globally-competitive na manggagawa.

Ito ang sinabii ni Senate President Chiz Escudero na ang (EBET) Act, na lalagdaan bilang batas sa Nobyembre 7, ay isang mahalagang hakbang patungo sa “bridging the gap between education and industry, and preparing the Filipino workforce to meet the demands of the Fourth Industrial Revolution.”

Isang prayoridad na panukala ng administrasyon, ang EBET ay naglalayong tugunan ang patuloy na problema ng jobs-skills mismatch na nagsilbing hadlang para sa maraming Pilipino na makakuha ng trabaho o mas mataas na sahod.

Sa ilalim ng EBET, bibigyan ng insentibo ang mga employer upang hikayatin silang mag-alok ng apprenticeship programs para sa mga low to mid-level at higher-level skills para sa mga bagong pumapasok sa labor force.

Kasama rin sa EBET ang mga empleyadong nais mag-upskill upang suportahan ang kanilang career progression.

“Sa mabilis na pag-evolve ng labor market, hindi maaaring manatiling nakatigil. Ang mga pangangailangan ng mga negosyo ay patuloy na nagbabago kaya’t kailangang mag-adapt ang mga jobseekers at empleyado upang magtagumpay,” sabi ni Escudero.

Inihain bilang Senate Bill No. SBN 2587, ang EBET ay isinulat ni Senador Joel Villanueva, na nag-sponsor ng panukalang batas bilang pinuno ng subcommittee on enterprise-based education and training to employment act.

Si Escudero ang naging chairman ng committee on higher, technical and vocational education, ang mother committee ng subcommittee na pinamumunuan ni Villanueva.

Sa pamamagitan ng pag-develop at pagpapalakas ng kaalaman at kasanayan ng mga indibidwal, sinabi ni Escudero na magiging mas madali para sa kanila na makahanap ng trabaho na magiging mas kasiya-siya at makahulugan at magpapalawak ng kanilang mga pagkakataon para sa career advancement.

Sa ilalim ng batas, ang tagal ng EBET program ay hindi lalampas ng tatlong taon. Ang mga EBET trainees ay makakatanggap ng allowance para sa transportasyon, pagkain o anumang iba pang gastusin na maaaring napagkasunduan ng employer at trainee.

Ang mga matagumpay na kandidato na magpapakita ng kakayahan para sa full o partial qualifications ay bibigyan ng National Certification o Certificate of Competency.

Magkakaroon ng mga insentibo para sa mga kalahok na negosyo, kabilang ang karagdagang bawas sa kanilang taxable income na katumbas ng 50% ng aktwal na training expenses. Tataas ito sa 75% sa taong 2028.

Itatatag ang isang EBET one-stop shop o online portal upang mapadali ang epektibo, episyente at mas accessible na pagkuha ng mga insentibo sa ilalim ng batas.