Helen Tan

Southern Luzon Multi-Specialty Medical Center sa Tayabas lusot na sa Senado

February 1, 2022 Ryan Ponce Pacpaco 601 views

PASADO na sa ikatlong pagbasa sa Senado ang House Bill 7952 na inakda nina Quezon 4th District Representative Angelina “Helen” Tan at Congressman Wilfrido Mark Enverga ng unang distrito para sa pagtatayo ng Southern Luzon Multi-Specialty Medical Center sa Tayabas, Quezon.

Ang ospital ay magsisilbing kauna-unahang pagamutan para sa iba’t-ibang uri ng sakit sa Timog Katagalugan at isa sa magiging apex hospital o end-referral hospital sa lugar.

Ito ay pamamahalaan sa ilalim ng Department of Health na syang sisiguro sa pag-abot ng mahusay, epektibo, at abot-kayang serbisyong pangkalusugan.

Lubos na ikinatuwa ni Congresswoman Tan ang pagpasa ng panukala na ayon sa kanya ay alinsunod sa layunin ng Universal Health Care (UHC) Act na kanya rin isinabatas.

Nagpasalamat si Tan na umuupong tagapanguna ng komitiba ng kalusugan sa mababang kapulungan ng Kongreso sa mga senador sa kanilang suporta partikular na kay Senator Bong Go na kanyang counterpart sa Committee on Health.

“Ito po ay isang malaking hakbang sa pag-abot ng ating pangarap na kalusugan para sa lahat ng Pilipino”, banggit ni Tan. Aniya, maraming mahihirap na may sakit ang makikinabang sa pagtatayo ng Southern Luzon MSMC.

“Napakalaking tulong kung tuluyan na ngang maisasabatas ang pagtatayo ng ospital dahil hindi na magsisiksikan ang maraming mga pasyente sa Kamaynilaan upang magpagamot at higit na mabibigyan ng kagyat na atensyong medikal ang mga may karamdaman sa Southern Tagalog na siyang itinuturing ngayon na may pinakamataas na bilang ng populasyon sa buong bansa” paliwanag ni Tan.

Ang Southern Tagalog region ay binubuo ng lalawigan ng Batangas, Cavite, Laguna, Marinduque, Occidental Mindoro, Oriental Mindoro, Palawan, Quezon, Rizal, Romblon at Aurora kasama ang 1st class highly urbanized na Lungsod ng Lucena. Makikinabang rin sa nasabing panukala ang mga pasyente sa Bicol at maging ang Metro Manila kung nasaan matatagpuan ang mga specialty hospitals tulad ng Philippine Heart Center, National Kidney and Transplant Institute, at Lung Center of the Philippines, bukod sa iba pang mga specialty hospitals.

AUTHOR PROFILE