
South Korean national huli ng BI sa financial fraud
INARESTO ng mga operatiba ng fugitive search unit (FSU) ng Bureau of Immigration (BI) ang isang South Korean national na wanted sa Seoul dahil sa financial fraud.
Kinilala ni Immigration Commissioner Norman Tansingco ang naaresto na si You Hyun Tea, 53. Natiklo ang suspek sa Cordova, Cebu noong Hunyo 4.
Malapit nang i-deport si You sa South Korea dahil inisyu na ng BI board of commissioners noong 2021 ang summary deportation proceedings para sa suspek.
“Inaresto siya sa bisa ng deportation warrant na inilabas alinsunod sa nasabing deportation order. Kasama rin siya sa aming immigration blacklist which perpetually barred him from re-entering the Philippines,” sabi ni Tansingco.
Dumating sa Pilipinas ang Koreano noong Mayo 30, 2003 at hindi kailanman umalis sa nakalipas na 21 taon.
Ayon kay BI-FSU acting chief Rendel Ryan Sy, isang warrant para sa pag-aresto kay You ang inisyu ng Mokpo branch ng Gwangju district court noong Peb. 15, 2020 matapos siyang kasuhan ng panloloko at paglabag sa electronic financial transactions act ng Korea.
Inakusahan ng mga awtoridad ng Korea na nakipagsabwatan si You sa iba pang suspek sa pagpapatakbo ng ilegal site ng pagsusugal sa sports sa internet na ginamit nila para manghingi ng pera mula sa mga biktima na pinangakuan ng malaking kita at dibidendo sa kanilang mga pamumuhunan.
Umabot sa mahigit 110 milyong won o mga $80,000 ang mga kinita ng sindikato mula sa raket, ayon sa report.