![Sofronio](https://journalnews.com.ph/wp-content/uploads/2024/12/Sofronio-2.jpg)
Sofronio Vasquez uuwi ng Pilipinas: May first concert sa Cebu
SA Facebook page ng first Filipino (and Asian) winner ng ‘The Voice USA’ (26th season) na si Sofronio Vasquez III, nagpahiwatig siyang uuwi ng Pilipinas. “Coming back to [Philippine flag emoji] very soon. Takits!”, ayon sa kanyang caption.
Bagama’t walang petsa, matatandaang sinabi niya sa interview niya sa “The Pod Network” na January 5 ay babalik siya sa bansa.
At nag-post siya na magkakaroon ng unang concert sa Waterfront Hotel Cebu sa January 18 in time for the Sinulog celebration.
Sa ngayon, panay-panay din ang interview sa kanya sa iba’t ibang TV show sa Amerika, at bagama’t halata pa rin ang kanyang Pinoy English accent, nadadala naman niya ang kanyang sarili at nakapagpapaliwanag nang maayos, nakakapag-engage sa mga repartee at ‘yun ang mahalaga.
Tunay na isang Filipino pride si Sofronio. Ganito rin ang naramdaman namin nang makuhang bida sa Miss Saigon si Leah Salonga, nang malaman namin na Filipino si Apl de Ap ng Black Eyed Peas, nang ma-invade sandali ni Charice Pempengco ang Hollywood music scenes, nang kuning lead singer ng Journey si Arnel Pineda at nang makagawa ng pelikula sa Hollywood si Liza Soberano.
Dalangin naming magtuluy-tuloy ang tagumpay ni Sofronio sa international music scene.
Masaya talagang makita siyang muli sa “It’s Showtime” na pinangakuan niyang unang dadalawin, at tiyak na iimbitahan pa siya sa ibang TV show.
Isipin lang: Noong 2016 nang unang sumali si Sofronio sa “Tawag ng Tanghalan,” hindi na siya nakapasok sa finals.
Nag-compete ulit siya noong 2017 at umabot lamang sa semifinals.
Taong 2019 nang bumalik siya sa noontime show upang sumali naman sa “TNT All-Star Grand Resbak” kung saan siya ay nagtapos bilang grand finalist.
Kumbaga, hindi lang maghahandog ng tagumpay si Sofronio kundi isang malaking vindication ito para sa kanya na hindi siya naging grand winner sa isang singing contest na bahagi lamang ng isang noontime show.
Malaking selebrasyon din ang imbitasyon sa kanya sa Malacanang at mabigyan ng isang pambansang pagpupugay sa pangunguna ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. at First Lady Liza Marcos.
Pero kung kami ang tatanungin, sana ay huwag munang umuwi sa Pilipinas si Sofronio. Mas titindi ang pananabik ng mga Pilipino kung gagawin muna niya ang kanyang tungkulin bilang winner sa TheVoice USA, mag-record ng mga kanta, at hintaying maging hit ang mga ito.
Bagama’t tiyak ang euphoria sa kanyang pag-uwi, pero para sa amin ay kulang pa ang ningning na dapat niyang ihandog sa mga Pilipino.
Mas masarap na makitang mas malaki pa sa ngayon ang kanyang pangalan bago siya humarap sa kanyang mga tagahanga sa Pilipinas.
Personal na opinyon lamang po ito.