Default Thumbnail

Sofronio emosyonal sa ‘It’s Showtime’ stage

January 7, 2025 Vinia Vivar 82 views

Tulad ng kanyang naipangako, sa “It’s Showtime” nga unang nag-guest ang Pinoy singer na grand winner ng “The Voice USA Season 26” na si Sofronio Vasquez sa kanyang pagbabalik sa Pilipinas.

Dumating si Sofronio sa bansa noong January 5 at naganap naman ang guesting niya sa It’s Showtime nitong Lunes.

Ang singer ang nagbukas ng programa sa pamamagitan ng powerful song number kasama ang mga alumni at hurado ng “Tawag Ng Tanghalan” tulad nina Nyoy Volante, Darren Espanto at Yeng Constantino.

Hindi nga napigilan ng singer na maging emosyonal nang magbalik-tanaw siya sa kanyang naging journey, kabilang na nga ang pagsisimula niya sa “It’s Showtime,” nang sumali siya sa TNT (Tawag ng Tanghalan) years ago.

Labis-labis ang pasasalamat ni Sofronio sa nasabing noontime show na siyang dahilan kung bakit siya nahasa nang husto sa pag-awit at nakamit ang pangarap na maging champion sa “The Voice USA.”

He also revealed na kahit hindi siya pinalad na manalo sa “It’s Showtime” ay tinulungan siya ng programa dahil kinuha siyang vocal coach ng mga contestant sa TNT.

Sinegundahan naman ito ni Vice Ganda at sey niya, hindi ito alam ng mga tao na patuloy na bina-bash sila dahil sa hindi pagkakapanalo ni Sofronio sa TNT.

“After niyang mag-TNT, kahit hindi siya nagtagumpay dito, he stayed. Naging vocal coach siya ng mga contestant ng ‘Tawag ng Tanghalan.’

Hindi n’yo alam ‘yon kaya talagang pamilya siya kaya…,” sey ni Vice saka dumila na parang sinasabing ‘belat’ patungkol sa bashers.

“Pinag-awayan nila ‘yan online. Ako, nababasa ko, natatawa ako. Ang mga tao, kung anu-ano na lang ang pinag-aawayan. Bakit tinatawag na ‘our very own.’ Bakit daw inaangkin. Eh, ngayon nagsalita si Sofronio, eh, di…” sabay-dila na naman.

Bilang finale ay inawit ni Sofronio ang winning piece niya sa “The Voice USA” na “A Million Dreams.”

AUTHOR PROFILE