Social networking platforms, mas maraming naidudulot na kabutihan
KAHIT saang anggulo tingnan, malaking bagay talaga ang nagagawa ng mga social networking platforms kumpara sa perhuwisyong naidudulot nito sa publiko.
Perhuwisyo dahil may mga taong konserbatibo na ayaw makakita ng mga video o larawan sa social media na sa kanilang paniniwala ay malaswa o marahas na hindi nararapat makita ng mga kabataan,
Paniwala nila, masamang impluwensiya ang karamihan sa nakikita sa social networking platforms at nagiging daan ng kapahamakan ng maraming kabataang nahuhumaling sa pagsubaybay sa mga naipo-post sa social media.
Pero hindi maikakaila na kumpara sa hindi magandang naidudulot ng social networking platforms, mas malaki ang naitutulong nito para mabigyan ng katarungan ang mga taong nagiging biktima ng karahasan sa kamay ng mga taong may hawak na kapangyarihan.
Nabubulgar kasi sa social media ang mga kamaliang nagagawa ng mga taong akala nila ay kanilang malulusutan dahil kayang-kaya nilang sindakin ang mga taong pagbubuntunan nila ng galit.
Hindi ba’t marami ng insidente ng pamamaslang ng mga pulis sa kawawang biktima ang nabigyang atensiyon dahil nakuhanan ng video at pinagpiyestahan sa social media.
Kabilang dito ang nag-viral na video ng pamamaril ng isang pulis-Paranaque sa mag-ina noong Disyembre 2020 sa Paniqui, Tarlac na kalaunan ay nasawi habang nakapiit sa New Bilibid Prison sa Muntinlupa.
Mga pulis din ang sangkot sa video ng pamamaril sa 17-anyos na si Jemboy Baltazar sa Navotas City kamakailan, pati na ang nag-viral na kuha ng pulis at kasamang sibilyan na humabol sa isang rider sa Rodriguez Rizal na kalaunan ay binaril subalit ang tinamaan at namatay ay ang 15-anyos nitong kapatid.
Nakatulong din ang pag-post sa social media ng pag-iyak ng delivery rider na nabiktima ng panghoholdap, pati na ang post ng isang saksi sa nagaganap na panghoholdap sa Taguig City na nagresulta sa pagkakadakip sa mga suspek.
Pinakahuli rito ay ang nag-viral na kuha ng isang motorista sa isang dating pulis na nambatok at nagkasa ng baril sa nakaalitang siklista sa Quezon City na hanggang ngayon ay mainit na mainit pa ring pinag-uusapan sa mga balita sa pahayagan, radyo, at telebisyon.
Reaksiyon ng readers sa nalathala sa ating pitak
HINDI raw natinag man lang ang mga may mga ilegal na mesa ng pasugalan sa mga bayan ng Limay, Abucay, Mariveles at Samal sa Bataan sa ipinatutupad na “one-strike policy” P/BGen. Jose Hidalgo, Jr., ang Director ng Police Region 3.
Kahit kasi nasampulan na ng mga tauhan ni Hidalgo ang ilegal na aktibidad sa bayan ng Orani, dinedma lang daw ito ng iba pang ilegalista dahil sinasangkalan nila ang isang parak at sidekick nito na nagbibigay daw sa kanila ng proteksiyon.
Reaksiyon pa ng isang reader, maging ang mga puwesto sa mga bayan ng Concepsion, San Roque, at Capas sa Tarlac ay protektado rin daw ng isang parak at kanyang amuyong na isa na raw senior citizen kaya tuloy pa rin ang kanilang ilegal na operasyon..
Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-347-8363 o mag-email sa [email protected]