Default Thumbnail

Sobrang pondo ng Kamara P4.7B

July 9, 2023 Ryan Ponce Pacpaco 186 views

UMABOT sa P4.7 bilyon budget surplus ng Kamara de Representantes noong 2022 kahit pa lumaki ang gastos nito ng P934.41 milyon.

Batay sa datos ng Commission on Audit (COA), mula sa P2.64 bilyon noong 2021 tumaas ng 78 porsyento ang budget surplus ng Kamara.

Ayon sa 2022 Financial Statements ng Kamara de Representante, naitala sa kabuuang P17.18 bilyon na mas mataas sa P16.25 bilyon noong 2021 ang gastos ng Kamara sa Personnel Services (PS), Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE), Financial Expenses at Non-Cash Expenses para sa 2022.

Bahagyang lumaki ang gastos sa Personnel Services kasama ang sahod at benepisyo ng mga empleyado, ayon sa COA. Mula sa P4.8 bilyon, naging P4.86 bilyon ito bunsod ng pagtaas ng sahod kaugnay ng ipinatupad na Salary Standardization Law.

Tumaas din ang MOOE mula P11.265 bilyon noong 2021 sa P12.13 bilyon noong nakaraang taon. Iniuugnay ito sa mga travel at indoor gathering bunsod ng mas maluwag na COVID-19 health protocol.

Sa ilalim ng foreign at local travels, gumastos ang Kamara ng P486 milyon mula sa P480 milyon.

Tumaas naman ang other maintenance and operating expenses mula 4.788 bilyon sa P5.406 bilyon noong 2022 dahil sa pagdami ng mga aktibidad gaya ng pagdinig ng mga oversight committee, public affairs at district operations ng mga miyembro ng Kamara gayundin ang pagdaraos ng face-to-face State of the Nation Address.

Bumaba naman ang gastos ng Kamara sa supplies and materials expenses mula P118.08 milyon sa P73.38 milyon; utility expenses mula P83.72 milyon sa P79.79 milyon; communications expenses mula P272.45 milyon sa P268.27 milyon; at professional services mula P975.86 milyon sa P715.08 milyon.

Dahil sa pagkonti ng consultancy services ang pinakamalaking pagbaba sa professional services.

Ayon sa audit team, mayroon lamang 2,588 consultants noong 2022 ang Kamara, mas mababa kumpara sa 3,092 noong 2021.

Ginagamit ang mga consultants sa paggawa ng mga panukalang batas, pagsasagawa ng research at iba pang technical legislative works.

AUTHOR PROFILE