SMNI

SMNI SUSPENDIHIN

December 6, 2023 People's Tonight 128 views

House franchise panel pinagtibay resolusyon na

PINAGTIBAY ng House committee on legislative franchises ang isang resolusyon na nanawagan sa National Telecommunications Commission (NTC) na suspendihin ang operasyon ng Sonshine Media Network International (SMNI) dahil sa paglabag nito sa termino ng kanilang prangkisa.

Ang SMNI ay nag-o-operate sa ilalim ng prangkisa na ibinigay sa Swara Sug Media Corporation ng Kongreso noong Agosto 2019 sa ilalim ng Republic Act (RA) No. 11422.

Sa pagdinig ng komite nitong Martes, inaprubahan ni Parañaque City Rep. Gus Tambunting ang mosyon na pagtibayin ang House Resolution (HR) No. 1499 kaugnay ng mga paglabag ng SMNI sa termino ng prangkisa nito, partikular ang pagpapakalat nito ng maling impormasyon at red-tagging.

Ayon sa may-akda ng resolusyon na si PBA Party-list Rep. Margarita “Atty. Migs” Nograles, nabigo ang SMNI na tuparin ang mga kondisyong nakasaad sa pribilehiyong ibinigay ng Kongreso na naglalayong protektahan ang interes ng publiko.

“(SMNI has) the responsibility to the public not to use its station or facilities for the dissemination of deliberately false information or willful misrepresentation to the detriment of the public interest,” ani Nograles na ang tinutukoy ay ang Section 4 ng RA 11422.

“As we have heard in today’s (Tuesday) hearing, there are several instances where SMNI peddled fake news against certain public officials. They themselves are not denying these instances,” dagdag pa ni Nograles.

Binigyang diin ni Nograles na ang resolusyon ay nagsusulong ng interes ng publiko laban sa mali at malisyosong pamamahayag.

“As representatives of the people, us congressmen have the responsibility to ensure that the people shall be protected from false and malicious information,” sabi ni Nograles.

Iginiit din ni Nograles na ang kanyang resolusyon na nananawagan na suspendihin ang operasyon ng SMNI ay hindi pag-atake sa press freedom, kundi pagdepensa sa karapatan ng mga Pilipino na makakuha ng tamang impormasyon.

“This is not an attack on the freedom of the press. Rather, we are defending the right of the people to have accurate and true reporting so that they can formulate honest opinions and thus contribute positively to society,” saad pa ni Nograles.

Ang pagpapatibay sa resolusyon ni Nograles ay naging hudyat ng pagtatapos ng ikalawang araw ng pagdinig ng franchise committee sa isinasagawa nitong imbestigasyon kaugnay ng mga umano’y paglabag ng SMNI sa termino ng prangkisa nito.

Inaasahan ang pagkakaroon muli ng pagdinig ng komite kaugnay ng isyu.

Ang imbestigasyon ay nag-ugat sa privilege speech ni House Deputy Majority Leader David “Jay-Jay” Suarez bilang tugon sa akusasyon sa programa ng SMNI na “Laban Kasama Ang Bayan” na gumastos si Speaker Ferdinand Martin Romualdez ng P1.8 bilyon sa mga biyahe nito.

Taliwas ito sa mga dokumento na ipinakita ni House Secretary General Reginald “Reggie” S. Velasco na ang Office of the Speaker ay gumastos lamang ng P4.3 milyon mula Enero hanggang Oktobre 2023.

Kasama rin sa tinatalakay ng komite ang mga resolusyon na inihain ng Makabayan bloc laban sa SMNI kaugnay ng pagpapakalat umano ng mali at walang basehang impormasyon, red-tagging ng ilang grupo at organisasyon, at pagbabanta ni dating Pangulong Rodrigo Duterte kay ACT Teachers Rep. France Castro.

Sa resolusyon ni Nograles, hiniling nito sa NTC na agad ipatigil ang operasyon ng SMNI hanggang sa matapos ng komite ang pagdinig nito, upang mapigilan ang pagpapakalat ng maling impormasyon at maprotektahan ang interes ng publiko.

Batay sa datos, si Pastor Apollo Quiboloy ang nagsisilbing beneficial owner at majority shareholder ng SMNI hanggang noong 2021 bago ikinalat ang shares nito sa mga opisyal ng kompanya.

Ayon sa Section 10 ng RA 11422, nakasaad na kailangang aprubahan ng Kongreso kung magkakaroon ng pagbabago sa pagmamay-ari at corporate structure ng SMNI.

Inamin ni SMNI lawyer Mark Tolentino na hindi sila humingi ng pag-apruba sa Kongreso kaugnay ng paglilipat ng mga shares.

Nabigo umano ang SMNI na i-report ang naging pagbabago sa loob ng 60 araw alinsunod sa nabanggit na seksyon.

Hindi rin umano nasunod ang obligasyon ng SMNI na ialok sa publiko ang hindi bababa sa 30 porsyento ng outstanding stocks nito, sa kabila ng oportunidad na magawa ito mula nang ma-renew ang kanilang prangkisa.

AUTHOR PROFILE