SMNI

SMNI-CHINA TV COLLAB IKINABAHALA

December 11, 2023 People's Tonight 1021 views

IKINABAHALA ng mga kongresista ang kolaborasyon ng Sonshine Media Network International (SMNI) at China Global Television Network (CGTN) na maaari umanong magkaroon ng implikasyon sa ipinakakalat na impormasyon ng China kaugnay ng West Philippine Sea (WPS).

Sinabi ng mga kongresista na maaaring magkaroon ng kuwestyon sa impormasyong ibabahagi ng SMNI dahil sa koneksyon nito sa CGTN na isa sa mga network ng Chinese government.

Natalakay ang isyu sa ikatlong araw ng pagdinig ng House committee on legislative franchises kaugnay ng posibleng paglabag ng Swara Sug Media Corporation na siyang operator ng SMNI sa prangkisa nito na ibinigay sa bisa ng Republic Act (RA) No. 11422.

Sa pagdinig, ipinunto ni Navotas City Rep. Toby Tiangco ang posibleng implikasyon ng kolaborasyon ng SMNI at CGTN.

“CGTN, Mr. Chair, dear colleagues, is the China Global Television Network, which is one of the three branches of the state-run China Media Group,” punto ni Tiangco.

Sinabi ni Tiangco na dahil ang CGTN ay pagmamay-ari ng gobyerno ng China, maaaring ang ipakalat nitong impormasyon sa pamamagitan ng SMNI kaugnay ng isyu ng WPS ay ang mga pabor sa kanila at hindi ang para sa interes ng Pilipinas.

“If the franchise holder may cooperate or collab with the Chinese government state-owned media network, alam naman natin ang nilalabas (na mga impormasyon) ng China ngayon lalo sa West Philippine Sea ay puro kasinungalingan,” sabi ni Tiangco.

Nilinaw naman ni SMNI legal counsel Mark Tolentino na ang kasunduan sa pagitan ng SMNI at CGTN ay pinag-uusapan pa lamang. Tiniyak ni Tolentino na ang pinal na kasunduan ay susunod sa batas ng Pilipinas.

Tinanong naman ng chairperson ng komite na si Parañaque City Rep. Gus Tambunting ang SMNI kung ang kanilang posisyon ay bahagi ng Pilipinas ang WPS. Positibo naman ang naging tugon ni Tolentino.

Sinabi naman ni Quezon Rep. David “Jay-Jay” Suarez na batay sa mga inilalabas na impormasyon ng Chinese news outlet, pinalalabas nito na ang Pilipinas ang agresibo sa WPS.

“Binaliktad nila ang kwento, iba ang kwento sa kanila doon sa tunay na nangyari sa mga Pilipino,” sabi ni Suarez.

“Kaya ito medyo may pangamba din para sa akin dahil alam naman natin there are always two versions to the story. But as Filipinos we always have to support that which the Philippine government holds,” dagdag pa ni Suarez.

Kinuwestyon naman ni Kabataan party-list Rep. Raoul Manuel ang pag-alis sa webpage na naglalaman ng impormasyon kaugnay ng kolaborasyon ng SMNI at CGTN.

Ayon kay Manuel, inanunsyo ang kolaborasyon sa X, dating Twitter, noong Hulyo pero binura umano ito.

Sinabi ni Cristina San Pedro, miyembro ng SMNI Board of Directors, na maaaring nawala ang news item dahil naka-link ito sa nabuong video sa YouTube.

Hindi naman binili ni Manuel ang paliwanag at sinabi ang kanyang paniniwala na sinadya itong burahin matapos magtanong ang mga mambabatas kaugnay nito noong nakaraang pagdinig.

Sinabi ni Manuel na ang SMNI ang may kontrol ng sarili nitong webpage kung saan nalathala ang balitang kolaborasyon.

AUTHOR PROFILE