Default Thumbnail

SMC inumpisahan na pagllinis ng Ilog Pasig vs pagbaha sa Laguna de Bay

October 9, 2021 People's Tonight 558 views

SINIMULAN na ng San Miguel Corporation (SMC) ang paglilinis ng Ilog Pasig na popondohan nito ng P2 bilyon upang mabawasan ang pagbaha sa Metro Manila at iba pang lalawigan na madalas bahain sa paligid sa Laguna de Bay.

Sa pakikipagtulungan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), nakapagtanggal na ang San Miguel ng 54,000 metric tons ng basura at putik simula noong Hulyo mula sa mababaw na parte ng ilog sa Pandacan and Malacanang sa siyudad ng Maynila.

Sa kasalukuyan ay nililinis ang parte ng Ilog Pasig na malapit sa Pandacan at Malacanang. Lilinisin rin ng SMC ang bahagi ng Pasig River na malapit sa C-5 sa Marikina river junction, sa Manila Bay, at sa Makati-Estrella area.

Ayon sa bathymetric studies ng SMC, may mga parte ang Pasig River and Marikina River na 1 ½ meters na lang ang lalim habang sa Pandacan naman ay dalawang metro ang lalim.

“Ang pangunahing suliranin ang gusto naming solusyunan ay ang pagbaha na nararanasan ng milyon-milyong Pilipino sa loob at labas ng Metro Manila. Ito ay dala ng mga problema matagal nang hindi nagagawan ng solusyon. Hindi pagpapaganda ang dapat maging prioridad kundi ang paglilinis nito na siyang daan para mapaganda ito,”wika ni SMC president Ramon Ang.

Makakatulong rin ang paglilinis ng Ilog Pasig para sa pagbabawas ng siltation sa Laguna de Bay. Ang target ay tatlong milyon metric tons ng basura at putik na maiaalis sa Ilog Pasig o buwanang target na 50,000 metric tons sa loob ng limang taon.

“Sa paglilinis at pagpapalalim ng Ilog Pasig ay magpapataas ng kapasidad nito bilang daanan ng tubig baha galing sa Marikina River na kadalasang napupunta sa Laguna Lake sa pamamagitan ng Manggahan Floodway. Sa pamamagitan ng paglilinis ay maaring mabawasan ang pagbahang nararanasan ng Marikina at maging mga lungsod at bayan sa Laguna tulad ng Calamba, San Pedro, Biñan, Sta. Cruz at Pila, sa Laguna tulad nung naranasan yung Bagyong Ulysses,”wika ni Ang.

Maliban sa Pasig ay ginagawa na rin ng San Miguel ang paglilinis ng Tullahan River system na pinondohan ng kumpanya ng P1 bilyon. Nakatulong ito upang mabawasan ang grabeng pagbaha sa Malabon, Navotas, at Valenzuela. May kabuuang 463,000 metric tons ng basura at putik na natanggal mula sa ilog .

Ang Pasig at Tullahan ay kapwa nasa listahan ng mga ilog sa buong mundo kung saan nagmumula ang plastik na basura.

Ang San Miguel ay magsasagawa rin ng river channel enhancement program para sa mga ilog na kasama sa Marilao-Meycauayan-Obando River System (MMORS) sa Bulacan.

“Kahit meron o walang PAREX ay lilinisin pa rin namin ang Ilog Pasig. Adbokasiya na namin ang water sustainability. Noon pa man ay naglilinis na kami ng mga ilog sa mga komunidad. Simula 2000 ay sinimulan naming ang paglilinis ng Tullahan para makabawas sa pagbaha at suportahan ang rehabilitasyon ng Manila Bay,”wika ni Ang.

Ayon kay Ang, mahalaga ang paglilinis ng ilog upang di na maranasan pa ang malubhang pagbaha na naranasan ng Pasig at Marikina noong Bagyong Ondoy noong 2009.

AUTHOR PROFILE