SM, Uniqlo umayuda sa Paeng victims
NAGTULUNGAN kamakailan ang SM Foundation Inc. at UNIQLO Philippines upang magbigay ng kinakailangang tulong sa mga health center na nagbibigay ng pangunahing serbisyong pangkalusugan sa mga komunidad, partikular na ang mga nahagupit ng bagyong Paeng.
Kasama sa ayuda ang pagpapasaayos ng Canlalay Barangay Health Station at Rosario Rural Health Unit-Annex.
Ito ang ika-192 at ika-193 na SMFI wellness center at ang ika-20 at ika-21 health facility na naisaayos sa ilalim ng pakikipagtulungan sa UNIQLO.
Sa pamamagitan ng proyekto, natugunan ng mga health center ang mga hamon na matagal nang nakakaapekto sa kanilang operasyon–mula sa kakulangan ng angkop na kagamitan at pasilidad hanggang sa mga lumang istraktura.
Kabilang sa upgrade na isinagawa ng SMFI ay pagi-install ng malinaw na markers, pagdadagdag ng kagamitang medikal gaya ng delivery bed, dressing carriage, vaccine refrigerator at mga breastfeeding area.
Naglagay din ang SMFI ng mga glass doors, treated windows laban sa mga anay, isang TV,aparador para sa mga dokumento at gamot, mga lamesa at upuan, mga air-conditioning unit na may inverter at LED lights.
Sa gitna ng pagpapagawa, nagpahayag ng pasasalamat si Dr. Noriel Emelo ng Rosario Health Unit-Annex.
“Maraming salamat sa SM Foundation at UNIQLO Philippines sa pagpapagawa ng pasilidad sa kalusugan at mga bagong kagamitan na gagamitin para sa pangangalaga at serbisyo sa mga pasyente, dahil malaking tulong ito para sa mga komunidad na pinagsisilbihan namin.”
Ibinahagi rin ni Dr. Mirabelle Benjamin, City Health Officer ng Biñan ang tulong na hatid ng proyekto lalo na sa panahon ng sakuna,
“Mayroon kaming isang paaralan dito na ginagamit bilang evacuation center. Kaya kapag may bagyo o sakuna, mahalagang mayroon kaming malapit na maasahang health center.
Nagpapasalamat rin kami dahil nakipagtulungan kami sa SM na patuloy na tumutulong sa amin upang matiyak ang pangmatagalang kakayahan ng aming mga health center.”