Default Thumbnail

HS students nanawagan kay VP Sara

June 30, 2022 Jun I. Legaspi 539 views

NANAWAGAN kay VP-elect at incoming DepEd Secretary Sara Duterte ang mga guro at estudyante ng Pangarap High School sa Barangay 182, North Caloocan upang bigyang atensyon at aksyon ang suliranin ng eskwelahan hinggil sa kawalan nito ng akses sa kuryente at sa linya ng tubig.

Ayon kay PCUP Chairperson at CEO, Usec. Alvin S. Feliciano na nagsagawa ng mini caravan sa lugar kamakailan, napag-alaman niya sa pamunuan ng Pangarap High School na ilang taon na nilang kinakaharap ang problemang ito kung kaya’t labis ang paghihirap ng mga mag-aaral na makapag-aral at magkaroon ng maayos na edukasyon.

Sa katunayan, base sa mga pahayag ng ilang mga residente, kung magtutuloy-tuloy ang face-to-face classes, tiyak na malaking dagok para sa mga estudyante at kaguruan ang pagpasok araw-araw dahil bukod sa mainit at maalinsangang mga classrooms na mayroon ang kanilang eskwelahan bunsod ng kawalan ng kuryente, hindi na rin nalilinis ang ilan sa mga pasilidad nito dahil wala na rin itong mapagkunan ng tubig.

Dagdag pa ng mga ito, kung agarang maaaksyunan ang kanilang panawagan, tiyak na giginhawa at mas magkakaroon sila ng mas maayos na pamumuhay, hindi lang para sa mga estudyante ng kanilang lugar, kundi pati na rin ng buo nilang komunidad.

Kaugnay nito, dahil nga bihira lamang maabutan ng tulong mula sa gobyerno ang mga naninirahan sa Pangarap, North Caloocan, isa ang kanilang pamayanan sa mga masusuwerteng naka-avail ng pinagsama-samang serbisyo ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan na hatid ng katatapos lamang na PCUP Mini Caravan noong Hunyo 24.

Ayon kay PCUP Chairperson at CEO, Usec. Alvin S. Feliciano, isa ang komunidad ng Pangarap Village sa mga malalang naapektuhan ng pandemya kaya’t patuloy itong binababaan ng Komisyon para masiguro na naaasistehan ang mga pangunahing pangangailangan ng mga pamilya roon lalo na sa aspeto ng pagkain, edukasyon, at hanapbuhay.

Labis namang ipinagpasalamat ng mga benepisyaryo ng mini caravan ang mga natamasa nilang serbisyo lalo na ang mga programang pinaka-kailangan nilang programa mula sa pamahalaan.

Samantala, umaasa ang mga residente na ang kanilang mga panawagan at pangarap para sa isang masaya at maayos na komunidad ay mapagbibigyan para sa magandang bukas at sustenbleng pamumuhay ng susunod pang henerasyon sa lugar.

AUTHOR PROFILE