Skyway toll fee vs minimum wage

July 23, 2021 Allan L. Encarnacion 602 views

Allan EncarnacionHINDI kasing dami ang mga sasakyan sa Skyway magmula nang magkaroon ng bayad.

Kaya lumuwag ang Edsa sa nakaraang mga buwan, iyong mga dating dumadaan doon ay lumipat na sa Skyway habang libre.

Hindi mo naman sila masisi kasi nga, magmula Nlex Balintawak hanggang Makati-Buendia, wala pang 20 minutes ang biyahe. Kung sa Edsa kasi, sa kaparehong ruta, baka kailangan mo ng one hour and 30 minutes.

Nitong July 12, nagsimula nang maningil ang San Miguel Corporation Insfrastructure ng P264 mula Nlex Balintawak hanggang Buendia. Kung dederetso ka sa Slex, palabas ng Calax or Sta Rosa, Laguna, bayad ka ulit ng P213.

Ibig sabihin, ang one way P477 from end to end kaya kung babalik ka pa pauwi, another P477. Aabot na sa P954, suweldo na ito ng junior supvervisor sa isang araw o P30,000 kada buwan.

Sa pangkaraniwang manggagawa na may second hand na kotse at gustong dumaan doon sa Skyway, yari na ang P537 daily wage niya. Wala na siyang maipapakain sa kanyang pamilya kung mangangahas pa siyang mag-Skyway!

Ang prinsipyo na sinasabi rito, kung gusto mo ng maluwag na biyahe, magbayad ka! Pero kung mas gusto mo ng impiyernong paglalakbay, dumaan ka sa libre.

Wala tayong pag-aawayan sa paniningil ng SMC dahil namuhunan din naman sila para maipatayo ang mahabang elevated highway. Ang pinag-uusapan dito ay kung tama ba ang presyo ng tollway.

Pero nariyan ang bantay ng bayan na Toll Regulatory Board (TRB) na siyang final say presyo ng toll sa ating mga expressway.

Tama ito, SMC ang namuhunan sa lahat ng vertical at horizontal structures at sila ang may franchise ng 25 years na renewable pa ng another 25 years. Ito naman ang tanong ko, sino ba ang nagbayad ng mga Right of Way para makadaan ang Skyway sa lahat ng kanyang nilagusan sa buong Metro Manila?

Hindi ba’t gumastos din ang gobyerno sa pagbili ng mga Right Of Way para makadaan ang proyekto ng pribadong kompanya gaya ng Skyway? Okey sa atin ito, ang PPP at Build Build Build, walang problemang magkatulungan ang pribado at ang gobyerno para sa mga big ticket projects.

Sa 2020 proposed budget, aabot pala sa P63 billion ang alokasyon ng pamahalaan para sa pagbili ng mga right of way. Hindi natin alam kung saan-saang ROW nagastos ito pero ang malinaw, may ambag ang pamahalaan sa pagbili ng mga ROW.

Para sa kaalaman ng ating mga kababayan, ang usapin ng ROW ay pumapasok kapag ang isang private property ay madadaanan ng proyekto ng gobyerno. Halimbawa, ang bahay ko ay nakatirik sa pagtatayuan ng dalawang poste ng Skyway, papasok ang gobyerno dyan.

Bibilhin ng gobyerno ang bahay at lupa ko na ang presyo ay ibabatay kung hindi man sa fair market value, puwede rin sa zonal valuation. Bilang may-ari, wala akong karapatang tumanggi kapag ginamit na ng estado ang kanyang kapangyarihan para sa ikabubuti ng publiko.

Halimbang nabayaran na ako ng gobyerno ng P5 milyon, magsisimula na ang construction ng mga poste ng Skyway sa lupa ko na binili ng gobyerno.

Ngayon, ang itatanong ko sa TRB, naka-factor in ba sa inaprubahan nilang toll fee na P264 sa Skyway ang ginastos ng gobyerno sa ROW? Parang ang palagi kong naririnig ay “malaki ang puhunan” ng SMC kaya sila pinayagan ng TRB sa ganoong presyo.

Pero paano naman ang puhunan ng gobyerno sa right of way na nagmula sa buwis ng tao? HIndi ba dapat ibawas din ito kung ilang taon man ang aabutin para makagaan sa ating mga kababayan?

Hindi ko alam kung magkano ang ginastos ng pamahalaan sa pagbili ng mga right of way sa mga big ticket projects gayan ng Skyway pero sa tingin ko, okey lang payagang maningil ang SMC ng toll fee pero sana, mas mababa kahit mas mahaba makakabalik ang puhunan pora hindi rin mabigatan ang ating mga kababayan.

allanpunglo@gmail.com