SK chair nireklamo 6 na pulis Maynila dahil sa rob-extort

October 15, 2021 Francis Naguit 296 views

NAHAHARAP sa kasong robbery extortion ang anim na miyembro ng Manila Police District (MPD), makaraang magsampa ng reklamo ang isang SK chairman sa Tondo, Manila, na iniulat ng pulisya.

Dahil dito, agad na pinag-utos ni National Capital Region Police Office chief Police Major General Vicente Danao Jr. ang malalimang imbestigasyon at kung positibo ang mga ito sa isinampang reklamo, inirekomenda nito na bukod sa kasong kriminal, mahaharap pa sa kasong administratibo ang mga pulis na nakilalang sina P/Ssg. Jeffrey Mejia, P/Cpl. Jigie Azores, P/Cpl. Kevin John Villanueva. P/Cpl. Johndee Toledo, Pat. Danny Rangaig at Pat. Kenneth Cordova.

Batay sa ulat ni P/Lt. Col. Magno Gallora Jr., station commander ng Manila Police Station 2, isang Jericho Laniog, 24, SK chairman, residente ng 1406 Doroteo Jose St., Bgy. 313, Sta. Cruz, Manila, ang nagreklamo.

Sa imbestigasyon ng pulisya, bandang 1:00 ng madaling araw nitong nakaraang Oktubre 14 nang masita sila ng mga pulis sa kahabaan ng Luzon St., sa Bgy. 314 sa Sta.Cruz.

Ayon sa imbestigasyon, kasalukuyang naghuhuntahan sa pagitan ni SK chairman at ang kanyang kaibigan nang lumapit umano ang grupo ni Mejia dahil lumabag umano ito sa Ordinance 8737 o ang metrowide curfew.

Bukod umano sa curfew hour, nakitaan pa umano si SK chairman ng pipa na gamit sa paghitit ng ipinagbabawal na gamot.

Dahil dito, bago dinala si Laniog sa Padre Algue Police Community Precinct na sakop ng Station 2 ng MPD, isinailalim ito sa medical check-up sa Gat. Andres Bonifacio Memorial Medical Center.

Ibinalik sa nasabing PCP si SK chairman at sinabihan umano ito ng halagang P47,000 upang makapagbigay kapalit ng kaniyang kalayaan, kung kaya’t iniwan nito ang kanyang motorsiklo at isang gold necklace upang maghanap ng nasabing halaga,

Subalit agad itong nagsumbong sa mga kapulisan ng MPD at inimbitahan ang mga pulis na sangkot umano sa extortion.

Matapos iharap kay Gallora ang anim nitong tauhan ay positibo itong itinuro ng complainant.

Dahil dito, agad na dinisarmahan ang anim na suspek. Nasa himpilan ng General Assignment Investigation Section sa MPD headquarters ang anim na pulis Maynila na sangkot sa robbery extortion. Nina FRANCIS NAGUIT & JON-JON REYES

AUTHOR PROFILE