Allan

SJDM, mula sa pagiging ‘basurahan’, umusbong ang kaunlaran

November 15, 2024 Allan L. Encarnacion 144 views

NITONG isang linggo lang ulit ako nakabalik sa San Jose del Monte City sa Bulacan dahil naimbitahan tayo nila Congresswoman Rida Robes at Mayor Arthur Robes sa Christmas Tree lighting na nasa sentro ng bagong city hall.

Parang Metro Manila rin ang SJDM dahil siya na iyong kasunod na lungsod matapos ang Northern part ng Caloocan City.

Hindi ako makapaniwala na iyong SJDM noong mga dekada 80 hanggang dekada 90 ay isa na palang sentro ng negosyo. Ramdam na ramdam ang cosmo living dahil naroon na rin pala ang mga malaking SM malls at may Hotel Savana na may first class amenities. Tama nga pala ang slogan nila, asensong ramdam.”

Ang buong complex bago ka makarating sa hotel ay isang business center din ng mga restaurant at mga coffee shops.

Habang papasok ka sa SJDM, iisipin mong papunta kang BGC ng Taguig dahil bubulaga sa iyo ang isang malawak na business development, mga first class at exclusive subdivision.

Ang lahat ng kalsadang dinaanan namin papuntang New Government Center ay well-maintained at walang putol ang mga negosyong nagbukas kaliwa’t kanan. Indikasyon ito ng pagiging business-friendl ng lokal na pamahalaan.

Ang city hall nila na nasa government center ay talagang literal na government center dahil napakapresentable na puwedeng ipagmalaki ng kanilang mga mamamayan.

Ibigay natin ang kredito sa mga opisyal na totoong nasa likod ng progreso na ito ng SJDM na noong mga unang panahon ay tapunan lang ng mga salvage victims, relokasyon ng mga informal settlers na galing kung saan-saang demolisyon sa Metro Manila.

Dapat ay pasalamatan ng mga mamamayan ng SJDM at ng national government sila Mayor Robes at Congresswoman Robes dahil hindi talaga sila tumigil hangga’t walang narating ang kanilang lugar na dating isang munisipyo lamang subalit ngayon highly urbanized city na. Puwede na talaga itong tumayo mag-isa at humiwalay sa Bulacan dahil sa kanyang kaunlaran.

In fairness, napaka-low key ni Mayor Robes, walang angas at hindi mahilig makieksena sa mga political limelight pero grabe pala ang kanyang performance bilang local executive. Kaya nga hindi na tayo nagtataka kung bakit nito lang nakaraang linggo ay ginawaran ng DILG ang San Jose del Monte City ng Seal of Good Local Governance para sa taong 2024.

Ibang klase ang award na ito, hindi basta-basta nakukuha ng isang pamahalaang lokal kung hindi masinop ang pamamahala mula sa kalinisan, anti-criminality, sistematikong serbisyo sa mga mamamayan at pagiging masinop sa paggasta sa pondo ng pamahalaan.

Kaya nga may dahilan silang magtayo ng higanteng Christmas tree para sa mga mamamayan ng lungsod dahil mistula itong simbolo ng monumental achievements ng pamahalaan para sa kanilang mga mamamayan. Kung ganito lang ang mangyayari sa mga lungsod sa mga nasa lalawigan, mas mabilis na uunlad ang ating bansa.

Nababawasan kasi ang bigat na pasanin ng national government kapag ang mga “first responders” sa mga lokal na pamahalaan ay siyang nangunguna sa paglikha ng trabaho sa kanilang mga mamamayan, pagpapalago ng negosyo sa kanilang komunidad, pagtiyak na malinis ang paligid at ligtas ang mga mamamayan laban sa mga kriminal.

By the way, noong kabataan natin ay palagi tayong nakakapunta sa SJDM dahil mayroon kaming canteen na malapit sa terminal ng Pascual Liner sa Novaliches proper kaya. Isang sakay lang sa canteen namin iyon, 75 cents pa lang ang pamasahe noon nasa SJDM ka na! Ang tanda ko na pala talaga!

Sa mga susunod na taon, mas lalo pang uusbong ang kaunlaran sa SJDM dahil sa kanila ang last station ng ginagawang MRT 7 na magmumula sa North Avenue sa Quezon City.

Saludo tayo sa kina Mayor Robes at Congresswoman Robes sa nagawa nila para sa kanilang lungsod sa tulong at pakikiisa na rin ng kanilang mga mamamayan.

[email protected]