Default Thumbnail

Sino ba ang tunay na minority?

August 24, 2022 Allan L. Encarnacion 393 views

Allan EncarnacionCONGRATULATIONS kay Senador Alan Peter Cayetano na bagong minority leader ng Commission on Appointments o CA.

Ang CA ang ihaw-balot plaza ng Kongreso dahil doon binubusisi ang appointees ng palasyo ng Malacanang. Ibig sabihin, nakadepende sa powerful CA kung makukumpirma ba o hindi ang appointment ng isang hinirang na opisyal mula sa Cabinet members, commissioners, chairmen, military generals, ambassadors at mga consul natin sa iba’t ibang bansa.

Hindi naman tayo nagtataka kung maging minority sa CA si Cayetano dahil unang-una, hindi siya bumoto kay Senador Migs Zubiri bilang Senate President. Sa ngayon, ang minority sa Senate proper ay sina Senador Koko Pimental at Senador Risa Hontiveros.

Ang totoo, hindi naman sana masosolo nina Koko at Madame Risa ang Senate minority dahil naroon sina Senador Pia Cayetano at si Senador Alan Peter. Ibig sabihin, maayos pa rin talagang pulitiko itong magkapatid na Cayetano dahil nagparaya kina Koko at Risa. Mas gusto ng magkapatid na Cayetano na independent minority sila na hindi beholden o hindi maninimbang kahit saang panig.

Kung mayroon mang totoong may tahid sa pagiging minority, si Senador Alan Peter na siguro iyon. Historically, mula pa sa pagiging kongresista sa panahon ng Arroyo administration, si Senador Cayetano ay nasa minorya na.

Ang maganda lang dito kay Sen Alan Peter, hindi lang ito “headless chicken minority” na bira nang bira sa lahat ng isyu. Marunong itong sumuporta sa maraming programa ng administrasyon mula pa noon hanggang ngayon basta ang nakataya ay ang kapakanan ng publiko. Di tulad ng iba dyan, buga nang buga ng apoy kahit bayan na ang sinusunog!

Kaya nga hindi tayo sang-ayon sa pagkuwestiyon ni Madame Risa sa pagkahalal ni Sen Alan Peter sa CA minority dahil true-blue and full-blooded minority siya mula ulo hanggang paa. Sino ba ba naman ang hindi nakakakilala kay Senador Cayetano pagdating sa usapin ng pagtatanggol sa ating mga kababayan?

Nakita natin ang kanyang performance sa Senate Blue Ribbon committee hearing kaugnay ng asukal scandal na hindi basta-basta lang nagsasalita. Totoong may laman dahil bukod sa pagiging abogado, inaaral talaga niya ang isyu bago siya magsalita.

Kaya nga nakikita natin ang pagtanggap ng ating mga kababayan kay Senador Alan Peter nito lang nakalipas na eleksiyon. Siya lang ang walang sinamahang partido na kumampanya, walang kandidatong Presidente, walang kandidatong Bise-Presidente pero ang taas ng kanyang ranking.

Wala ka rin halos makikitang mga posters o anumang banderitas ni Senador Cayetano tulad ng ibang mga kandidato. Social media at komersiyal sa telebisyon lamang ang naging instrumento niya at tao-taong kampanya pero kasama siya sa mga top winners sa 2022 elections.

Sabi nga, kung magkakaliskisan ng mga balat ang mga tunay na minorya sa ating pulitika sa lahat ng panahon, palagay ko, wala pang tatalo sa kalidad ni Senador Alan Peter.

[email protected]