SINO ANG VP NI MP?

September 20, 2021 Marlon Purification 240 views

Marlon PurificationOPISYAL nang inihayag ni Senador Manny Pacquiao ang plano nitong pagtakbo sa pampanguluhan ngayong Halalan 2022.

Ito’y matapos tanggapin ang nominasyong ibinigay sa kanya ng Partido Demokratiko Pilipino (PDP) sa national assembly na isinagawa Linggo ng hapon sa pangunguna ni Senador Aquilino ‘Koko’ Pimentel bilang national chairman.

Dalawang linggo bago nito ay may hiwalay na national assembly ang PDP Laban Party na paksiyon naman ng grupo ni Energy Sec. Alfonso Cusi. Idineklara nila ang nominasyon ng Pangulong Rodrigo Duterte bilang Bise-Presidente ng bansa sa susunod na halalan.

Wala pang linaw kung tuloy ba ang pagtakbo ni Senador Bong Go, bilang ‘ulo’ ni Digong, samantalang lumalakas din ang panawagan na dapat ay tumakbo sa pampanguluhan si Davao City Mayor Inday Sara Duterte.

Ang tagisan ng magkabilang panig sa PDP ay ireresolba pa ng Commission on Elections (Comelec) kung sino sa kanila ang kikilalaning opisyal na political party sa darating na halalan.

Maliban kay dating Easter Samar Gov. Lutgardo Barbo, wala pang opisyal na kandidato sa pagkasenador ang Pacquiao-Pimentel faction.

Wala pa ring idineklarang Bise-Presidente ang pambansang kamao, kaya ito ang umugong na tanong. Sino nga kaya ang magiging Vice-President ni Pacquiao?

Maraming nagsasabing baka si Philippine National Police (PNP) chief Guillermo ‘Guillor’ Eleazar ito na magreretiro sa darating na Nobyembre 13. Hanggang Nobyembre 16 ang puwedeng magkaroon ng substitution sa sinumang pulitikong magsusumite ng certificate of candidacy ngayong Oktubre 1-8 kaya puwedeng-puwedeng tumakbo si Guillor kung talagang gugustuhin nito.

Kausap ko mismo si Eleazar noon ding Linggo at sinabi nitong malayo pa sa isip niya ang pulitika dahil ang gusto niya ay mag-focus sa trabaho, lalo’t malaki pa rin ang bilang ng mga COVID cases sa bansa na kailangang maging istrikto ang kapulisan sa anumang panuntunan na nais ipatupad ng pambansang pamahalaan.

Magkagayunman, nagpapasalamat si Guillor sa mga taong nagkokonsidera sa kanya na tumakbo sa darating na halalan.

Maganda at ‘safe’ ang sagot na ito ni Eleazar.

Baka nga naman malaman ng pamahalaan na papasok ito sa pulitika at masamain pa ito ng Duterte administration. Isang impormante sa Pacquiao camp ang nagsabi sa akin na halos ‘luto’ na raw ang magiging VP ni Pacman.

Magre-resign lang daw muna ito at may gusto pang tapusing trabaho. Kung sino ito, iyan ang abangan natin sa mga susunod na araw.

Sa pagtakbo ni Pacquiao, hindi rin malinaw kung tuloy din sa pagtakbo sa pampanguluhan si Moreno.

113 TULAK, TIMBOG SA PRO3

Samantala, habang abala sa pulitika ang ilang namumuno sa pamahalaan, ang hanay ng PNP sa ilalim ni Gen. Eleazar ay tuloy naman sa kanilang trabaho.

Tulad na lang sa impresibong performance ni Police Regional Office (PRO) 3 chief Gen. Val de Leon na nakaaresto ng kabuuang 113 suspected drug pushers. Resulta ito sa walang humpay nilang anti-drug operations sa Central Luzon bilang pagtalima sa giyera kontra droga ng Duterte administration.

Sinabi ni De Leon na kabuuang 79 operations ang ikinasa ng anti-drug operatives sa Gitnang Luzon nitong mga nakalipas na araw.

Bukod sa 113 drug suspects, nakakumpiska rin sa operation ng 762 kilo ng shabu at nagkakahalaga ng P14.63 million at 121 gramo ng marijuana na ay street value na P14, 600.

Kung matatandaan, aabot sa P5 billion halaga ng shabu rin ang narekober ng PRO3 na nagresulta sa pagkapatay sa apat na Chinese drug lords sa Zambales at Bataan kamakailan.

Maliban sa giyera kontra droga, tuloy din ang kampanya laban sa illegal gambling ng grupo ni De Leon kung saan ay 42 operasyon ang ikinasa na nagresulta sa pagkaaresto sa 178 suspects, habang tuluy-tuloy din ang kampanya kontra illegal logging at illegal fishing.

Eto ang maganda sa PNP ngayon. Hindi sila nagpapaapekto sa hidwaan ng pulitika sa bansa. Basta sila ay trabaho lang para manatiling ligtas ang ating mga kababayan.