Sino ang Pangulo sa 2022?

September 28, 2021 Allan L. Encarnacion 236 views

Allan EncarnacionANG 2022 Presidential elections ang isa sa pinakamahirap na halalan para sa akin na magdesisyon kung sino ang iboboto kong Pangulo.

Noong mga nakaraang panahon, mas madaling pumili kasi walang pandemic, ang isyu lang ay peace and order and economic growth. Hindi ko naman pinagsisisihang si Mayor Rody Duterte ang napili ko noong 2016.

Kahit ano pang sabihin ng mga kritiko at ng mga taong ayaw sa kanya, hindi naman maikakaila ang mga nagawa ng kanyang administrasyon mula sa anti-drug campaign, peace and order, economic growth hanggang sa public insfrastructures ay puwede nating sabihing may narating naman tayo mula 2016 hanggang ngayong binabasa nyo ang kolum na ito.

Hindi perpekto ang Duterte administration, sabi nga, far from being perfect. Ang punto lang natin dito, nagtagumpay si Digong sa kanyang “pole vaulting leadership” para makamit ng bansa ang anumang estado natin ngayon. Kung hindi nag-pandemic, ang Pilipinas ay kahanay na sa middle income country mula sa developing status.

Nilamon ng pandemic ang lahat ng economic gain ng bansa. Hindi lang naman tayo ito, sa buong mundo ay ganito ang sitwasyon dahil sa stand still economy. Ang mahirap, wala na ngang income, gumastos pa ng malaki ang gobyerno para sa kanilang pandemic response.

Ang mabigat sa incoming 2022-2028 President kung sino man siya ay ang post-pandemic recovery. Hindi pa natin alam kung hanggang kailan tayo ganito, kung hanggang kailan tayo magiging hostage ng COVID-19.

Madali lang sana ang formula ng pagbabalik-sigla ng ekonomiya, iyon ay pagbubukas ng lahat ng negosyo para makabalik na lahat sa normal na trabaho. Ang problema lang ay ang limitasyon sa ating mga galaw.

Kaya babalik tayo sa ultimate formula, iyon ay ang pagpili natin ng susunod na Presidente sa susunod na taon. Kailangan natin ng totoong lider na kayang salubungin ang alon ng mga problemang iiwanan ng pandemic, iyong totoong lider na puwede nating sabihing mapagkakaisa tayong lahat at alam ang kanyang gagawin.

Sa ngayon, may mga nagdeklara na ng intensiyong kumandidatong Pangulo sa 2022, mayroon pa ring mga hindi pa lumalantad. Oktubre 1 hanggang 8 pa naman ang pagsusumite ng Certificate of Candidacy. Kung totoong hanggang Nobyembre 15 pa papayagan ang substitution, ibig sabihin, mahigit tatlong linggo pa tayong mag-aabang para maging final ang Presidential candidates list.

Kasama sa mga gabi-gabi kong dasal na kung sino man ang itatakda ng panahon na maging Presidente natin sa 2022 ay mabigyan siya ng sapat na lakas at karunungan na pamunuan ang bayan. Kung sino man siya ay magsilbing inspirasyon nating lahat patungo sa kaisahahan at kaayusan ng bansa.

Kaya nga sa halip na batikos tayo nang batikos, pintas tayo nang pintas sa mga hindi natin kandidato, mas mabuting gawin nating abala ang ating isip sa pagbusisi at pagkilala sa mga aplikante ng pagka-Presidente.

Huwag tayong masyadong mababaw, aralin natin ang mga isyu, aralin natin ang kanilang mga kakayayahan at huwag tayong tumingin lang sa mga nakatayo sa entablado. Doon tayo tumingin sa back stage, meaning, kilalanin natin silang mabuti.

Kaya nga magdedesisyon ako sa tamang panahon kung sino ang aking personal na kandidato dahil alam kong marami rin ang mga nakapaligid sa akin ang nag-aabang sa aking desisyon.

Sana nga ay tama ang aking maging pasya dahil kung sino man siya, sa kanya ko ipagkakatiwala ang susunod na anim na taon ng aking apo.

allanpungllo@gmail.com