Default Thumbnail

Sinalbahe si Bonifacio ng kapwa Pilipino

December 3, 2022 Magi Gunigundo 645 views

Magi GunigundoTAUN-TAON ay ipinagdiriwang natin ang piyesta opisyal ng araw ng pagsilang ni Andres Bonifacio na nakasandal sa isang nilinis na bersyon ng kwento ng Supremo para sa pangkalahatang pagtangkilik na itinuturo ng Araling Panlipunan na itinatago ang nakakahiyang katotohanan na sa loob lamang ng siyam(9) na buwan mula ng magpunit ng cedula ang mga Katipunero sa Balintawak sa dakilang araw ng Agosto 26,1896, nagtagumpay ang maitim na pakana na agawin ang liderato ng himagsikan at sadyang patayin si Bonifacio sa Cavite noon Mayo 10 ,1897. Sinalbahe si Bonifacio ng kapwa Pilipino.

Sinabi ni Marc Bloch na, “ sa lahat ng mga lason na may kakayahang magpawalang saysay sa isang dokumento, ang pinakamasama ay panlilinlang”(sariling salin). Ayon kay Soledad Borromeo –Buehler (Scripted by Men , not by fate: Andres Bonifacio in Cavite©2017) ang pagtiyak ng eksaktong petsa at paglalarawan sa nangyari sa loob ng bulwagan ng kombensiyon ng Tejeros noon Marso 25,1897 (hindi Marso 22 na binebentang petsa sa Araling Panlipunan) , ang susi sa paglutas sa problema ng tunay na nangyari kay Bonifacio sa Cavite noon Abril at Mayo 1897. Ginigiba nito ang malaking kasinungalingan tinahi ng inimbentong mga “dokumentong makasaysayan” tulad ng “Acta de Tejeros”, ang Naik Military Agreement , ang Artemio Ricarte affidavit noon Marso 24 1897 , at ang kuwento tungkol sa ‘Mahiwagang Pulong ng Haring Bayan’ sa nilimbag na alaala ni Emilio Aguinaldo. Ang pagsusuri sa mga kontrobersyal na liham ni Bonifacio kay Emilio Jacinto na may petsang 16 at 24 Abril 1897 ay nagpapahiwatig na ang mga ito ay malinaw na minaniobra, ayon kay Buehler.

Kailangan natin iugnay ang konklusyon ni Buehler sa mga transkrip ng paglilitis kay Bonifacio na ginawa ng isang di kilalang stenographer na sinalin sa English ni Virginia Palma Bonifacio noon 1963. Tumulo ang luha ni Ambeth Ocampo habang binabasa niya ito sa Ateneo Rizal Library (A. Ocampo, Nob 30,2022) sapagkat kaawa-awa si Bonifacio at ang kanyang 21 años na asawang si Oryang , ang lakambini ng Katipunan.Impiyerno ang dinanas ni Gat Andres sa kanyang mga huling araw na ginawad ng Cavitismo.

Tanggap ng sambayanan, at di na ito pinagtatalunan, na isinabuhay ni Bonifacio ang kanyang tulang “Pag-ibig sa Tinubuang Lupa”. Sumasalpok ito sa aral ng relihiyon ng mga Kastila na dapat magtiis at sumunod sa pamahalaan ng walang tanong tanong sapagkat ang pamahalaan ay itinatag ng Diyos mismo, kahit gaano pa ito kabulok at kalupit.

Sinabi ni Ocampo (Bones of Contention © 2001) na mayroon tatlong punto sa kuwento ni Bonifacio na madalas walisin sa ilalim ng alpombra. Pang K-drama ang mga pangunahing sangkap sa madilim na bahagi ng kasaysayan ng sambayanang Pilipino: panggagahasa, pandaraya sa halalan, pagtataksil, intriga at sadyang pagpatay.

Ang paanyaya na ayusin ang hidwaan ng konseho ng Magdiwang at konseho ng Magdalo ang nagsilbing patibong para magtungo si Bonifacio sa Cavite. Nauwi ang usapan sa panukala ng Magdalo na magtatag ng rebolusyonaryong pamahalaan sapagkat nawalan na ng silbi ang Katipunan na isang lihim na organisasyon. Kinontra ito ng Magdiwang sapagkat ang Katipunan ay mayroon ng saligang batas na nagbabalangkas ng pamamahala sa bansa at tinataguyod nito ang layon na palayain ang Pilipinas sa paghahari ng mga banyaga. Humantong sa dayaan sa halalan sa Tejeros kung saan mas marami ang botong binilang kaysa sa bumoto; maraming nakaboto na hindi naman botante; at maraming balota ang may sulat na bago pa ibinigay sa botante. Ito ang dahilan —ang pagyurak sa alituntunin ng mayorya sa isang demokrasya, at hindi ang pagkatalo sa halalan, kaya pinawalang bisa ni Bonifacio ang halalan. Humantong sa marahas na pagdakip sa Indang na kinasawi ni Ciriaco Bonifacio at malubhang pagkasugat sa leeg ni Gat Andres na sinaksak ni Kolonel Ignacio Paua. Habang nagnanaknak ang mga sugat, tinuloy pa rin ang paglilitis ng isang “kangaroo court” para gawin ligal ang pagpaslang kay Gat Andres at sa mga nalalabi niyang mga kasama ( mga Taong Balara) , na pinaratangan ng pagtataksil sa bayan dahil hindi ginalang ang resulta ng halalan sa Tejeros Konbensiyon. Si Kolonel Agapito Bonzon naman ay naglaway maangkin ang Lakambini ng Katipunan.

Maliwanag na sa unang halalan pa lang sa kasaysayan ng mga Pilipino, may dayaan na. Krimen pangdigmaan ang hindi makataong pagtrato sa Supremo at Lakambini ng Katipunan.

Ang mga salbaheng Pilipino ay sadyang pumatay muli kay Heneral Antonio Luna at Col Paco Roman na inanyayahan sa Cabanatuan. Parehas ng modus operandi. At pagkaraan ng pagpaslang kila Bonifacio at Luna, tinugis at nilapastangan ng mga salbaheng Pilipino ang mga kapanalig ng dalawa. Kaya nawalan ako ng paggalang kay Goyo del Pilar.

Sinabi ni Arthur Schopenhauer na ang isang bansa ay nagiging ganap na mulat sa sarili sa pamamagitan lamang ng kasaysayan. Hindi dapat “mag-move on”. Kung paiiralin natin ang “oblivion” na taguan ng maitim na nakaraan, kabawasan ito ng ating pagkamulat at pagkonsinti sa mga salbaheng Pilipino na naglipana pa rin sa ating sambayanan. Good luck na lang sa atin lahat.

AUTHOR PROFILE