Silver Eagle Award iginawad sa Batangas PPO
PORMAL na iginawad ang “institutionalized” status sa Batangas Police Provincial Office (BPPO) matapos ang mahabang panahon ng paghahanda at pagpupursige sa ginanap na programa sa Dreamzone, Provincial Capitol, Hilltop, Batangas City noong Setyembre 25, 2023.
Malugod na tinanggap ni Batangas PPO Provincial Director Police Colonel Samson B. Belmonte ang Silver Eagle Award matapos tumanggap ng 91.56% na rating sa nasabing Institutionalization Evaluation Process.
Ang programa ay pinangunahan ni Police Colonel Mariano C. Rodriguez, Chief of Regional Staff ng Police Regional Office 4A at Chief, Regional Police Strategy Management Unit kasama ang Regional Advisory Group for Police Transformation and Development Member na si Mrs. Teresita M. Leabres at ang Provincial Advisory Group Chairman na si Dr. Rolando A. Tumambing.
Dumalo rin sa programa si Batangas Gov. Hermilando ‘DoDo’ I. Mandanas na nagpahayag ng suporta sa buong kapulisan ng Batangas.
Ang Institutionalized Status ay nangangahulugang nakikita na ang magandang resulta mula sa mga layunin ng organisasyon ng Pambansang Pulisya ng Pilipinas sa pamamagitan ng Good Governance.
“Ang ibig sabihin po ng parangal na ito ay patuloy pong pinagbubuti ng inyong kapulisan ng Batangas ang mga proseso at pamamalakad sa aming hanay upang mas mapaglingkuran nang mas mabuti ang komunidad. Makakaasa po kayo na mas pagbubutihan pa namin ang aming paggampan sa aming sinumpaang tungkulin – to serve and protect”, “saad pa ni Belmonte.