Default Thumbnail

Sikyu tiklo sa pananaksak ng mekaniko sa QC

January 18, 2023 Melnie Ragasa-limena 225 views

ARESTADO ang isang security guard matapos umanong saksakin ang kaniyang kainuman na mekaniko sa Quezon City.

Ang biktima ay 44-anyos, may asawa, mekaniko, tubong Tarlac at residente ng Quirino Highway, Barangay Talipapa, QC.

Ang suspek na sikyu, 41-anyos, binata, tubong Tarlac at stay-in sa Quirino Highway, Bgy. Talipapa, QC.

Sa naantalang report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), bandang 9:30 ng gabi noong Enero 16 nang maganap ang insidente sa harapan ng gusali na pinagtatrabahuhan ng sikyu.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ni P/Cpl. Nestor V. Ariz Jr., ng CIDU, nag-iinuman umano ang suspek at ang biktima kasama ang isang pang lalaki sa nasabing lugar.

Makalipas ang ilang oras ay nagkaroon umano ng mainitang debate ang dalawa hanggang sa sasaksakin ng guwardiya ang biktima.

Nagtangka pang tumakas ang suspek pero agad din siyang naaresto habang naisugod pa sa Novaliches District Hospital ang biktima subalit binawian din ito ng buhay bandang 1:07 ng madaling araw ng Enero 17, ayon kay Dr. Rhichy Mortalla.

Nakapiit na ang sikyu habang inihahanda ang kasong isasampa laban sa kaniya.