Sikyu pinaghahanap dahil sa ‘panloloob’ ng botika

December 6, 2022 Melnie Ragasa-limena 98 views

PINAGHAHANAP ngayon ng pulisya ang “sikyu” o security guard na tinuturong nanloob sa pinagtatrabahuhang drug store sa Quezon City, Martes ng umaga.

Ayon kay Quezon City Police District (QCPD) Director Police Brigadier General Nicolas D Torre III, ang suspek na security guard ay nakatalaga sa tanyag na drug store branch sa Banawe, tubong San Carlos City, Negros Occidental at residente ng Barangay Payatas Area B, QC.

Sa report ng QCPD Galas Police Station (PS-11), bandang 6:30 ng umaga (Disyembre 6), nang maganap ang holdapan sa kilalang drug store sa Banawe St., Bgy. Doña Josefa, sa naturang lungsod.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ni P/Cpl. Jay Jay Illacad ng PS-11, ang suspek ay inireklamo ng pharmacist branch manager ng drug store, matapos na holdapin ang kanilang dalawang kahera at assistant branch manager ng drug store.

Nagulat na lamang umano ang mga biktima nang biglang pumasok ang guwardiya at tinutukan sila ng baril saka inutusan na buksan ang safety vault.

Nang malimas ng guwardiya ang pera sa kaha na aabot sa P100,000 ay kaswal na naglakad lang ito palabas ng botika saka tumakas sakay ng motorsiklo patungong Quezon Avenue.

Nabatid na masama umano ang loob ng guwardiya sa pamunuan ng drug store dahil hindi agad siya pinayagan na makaalis habang wala pa ang papalit sa kaniyang sikyo, at namatay ang kaniyang misis na wala siya sa tabi nito.

“Well itong guwardiya sinisisi niya ‘yung kanyang kumpanyang pinagtatrabahuhan kasi last month ay namatay ang kanyang asawa, hindi daw siya kaagad pinauwi, diniley (pinatagal) pa ng mga ilang oras dahil pinaghintay siya ng kanyang karelyebo… pero whatever the reasons are, hindi acceptable ang kanyang ginawa pero bigyan pa rin natin siya ng pagkakataon na i-explain ang sarili niya kapag siya ay nahuli natin. Sa ngayon ay ongoing ang dragnet operations natin at ongoing ang ating manhunt operation sa kanya,” pahayag ni Torre III.