Suspek TIKLO – Ang natimbog na suspek ng mga kapulisan sa isinagawang follow-up operation.

SIKYU NA MAY 6 ANAK TINODAS

August 8, 2023 Jonjon Reyes 325 views

NATAGPUANG wala nang buhay dahil sa tinamong mga saksak sa katawan ang isang 55-anyos na security guard, sa loob ng Magat Salamat Elementary School noong Lunes ng umaga sa Tondo, Manila.

Nakilala ang biktima na si Ricky Dasco, may asawa’t anim na anak at admin, utility at security guard sa nasabing eskuwelahan sa Perla Street, Barangay 74 sa Tondo.

Samantala, sa isinagawang follow-up operation ng pulisya, natimbog ang suspek na si Christopher John Masqueda, 33-anyos.

Base sa ulat na isinumite ni Det. Dennis Suba kay Police Captain Dennis Turla, hepe ng Manila Police District (MPD)-Homicide Section, bandang 5:35 ng madaling araw nang madiskubreng patay si Dasco sa Gabaldon Hall ng nasabing elementary school.

Dalawang kasamahan ng biktima ang nakatuklas kay Dasco na nakahandusay, naliligo sa sariling dugo at wala ng buhay.

Agad nila itong ipinagbigay-alam sa tanggapan ni Police Lieutenant Wildredo Fabros Jr., commander ng MPD-Raxabago Police Station 1, na kaagad ding rumesponde at kinordon ang lugar bago ipinagbigay-alam sa Homicide Section ng MPD.

Lumitaw sa pagsisiyasat ni Suba na umano’y paghihiganti ang motibo ng pagpaslang.

Ang bangkay ng biktima ay pansamantalang inilagak sa Sanctuary Funeral Morgue para sa kaukulang awtopsiya.

AUTHOR PROFILE