‘Sigang’ kelot na armado ng sumpak timbog

September 28, 2022 Jonjon Reyes 205 views

HINDI na nagawang makapanlaban ang isang 30-anyos na lalaking “siga-siga” sa lugar, makaraang matimbog sa “sugal lupa” at nakitaan pa ng improvised shotgun o mas kilala bilang “sumpak” habang nagsusugal kasama ang tatlo pa, sa San Andres Bukid, Maynila, Martes ng gabi.

Ayon kay Manila Police Director (MPD) Brigadier General Andre P. Dizon, ang mga inaresto ay ang suspek na may alyas “Jay Ar” at tatlo pa sa nasabing lugar.

Base sa ulat ni P/Maj. Rommel Purisima, hepe ng District Special Operation Unit (DSOU) ng MPD, bandang 6:00 ng gabi nang maispatan ang umpukan ng mga tao sa Onyx St., Barangay 775 Zone 84 sa San Andres Bukid.

Agad na lumapit si P/Maj. Dave Garcia, deputy chief ng DSOU at nakita nila ang sugal ng larong “dice” (sugal lupa).

Dito na pinagdadampot ang mga suspek habang ang iba’y nagpulasan at nakumpiska mula kay “Jay Ar” ang sumpak.

Dahil dito, nahaharap sa kasong paglabag sa Presidential Degree 1602 (Anti-Gambling) samantalang haharapin din ni “Jay Ar” ang kasong paglabag sa Republic Act 10591 (Illegal Possession of Firearms and Ammunition).

AUTHOR PROFILE