Default Thumbnail

Sibakin si James Jimenez!

March 5, 2022 Marlon Purification 370 views

HINAMON ng National Press Club (NPC) ang Commission on Elections (Comelec) na isapubliko ang buong kasunduan nila sa Rappler.

Sa isang kalatas, binigyang-pansin ng NPC ang tugon ng Comelec sa protest-letter na isinumite hinggil sa pinasok na Memorandum of Agreement (MOA) sa foreign-funded na media outfit na Rappler noong February 24, 2022,

Sa pamamagitan ni Executive Director and Spokesmen James Jimenez sinagot nito ang NPC noong Marso 1, 2022, na nanindigan ang komisyon sa pinasok na kasunduan dahil ayon sa kamoteng si opisyal ay hindi pa pinal ang mga desisyon sa kinakaharap na kontrobersiya ng Rappler.

Partikular na ang pagiging foreign-funded media outfit nito na labag sa Saligang Batas at ang kinakaharap na kasong libelo ng chief executive nito na si Maria Ressa.

Ikinatwiran ni Jimenez, na ‘technically’ ay walang legal na balakid upang lumagda sa naturang MOA sa Rappler ang Comelec.

Gayunman, kinuwestiyon ni NPC President Paul M Gutierrez ang ‘legal technicality’ bilang depensa upang isulong ang kasunduan na hindi naaayon sa layunin ng komisyon para sa malinis, kapani-paniwala, tapat at malinaw na halalan sa May 9, 2022.

“Bilang paghahambing, dapat bang maging panatag ang ating kalooban at payagan natin ang ating mga anak na babae na makipag-date sa isang tao na may kaso ng pang-aabuso sa mga kababaihan o, ang ating mga anak na lalaki na bumarkada sa isang tao na may kasong drug-pushing at paggamit ng iligal na droga?” tanong pa ni Gutierrez sa sagot na liham naman nito kay Jimenez noong Marso 3, 2022.

Nakababahala aniya lalo na at inamin ng Rappler at ni Maria Ressa sa kanilang website na hindi lamang sila mag-uulat ng mga nagaganap bago at matapos ang halalan, bagkus, sila rin ang aaktong ‘fact-checkers’ COMELEC.

“Para nang binigyan natin ng ‘lisensiya’ ang Rappler na impluwensiyahan ang opinyon ng publiko,” dagdag pa ng NPC official.

Ayon pa kay Gutierrez, mas magiging mainam at makabubuti sa lahat kung isasapubliko na lang ng COMELEC ang buong kasunduan nito sa Rappler at hayaan na lang ang sambayanang Pilipino na magdesisyon sa merito o kawalang merito ng nasabing dokumento.

Sa ganang akin, hindi lamang dapat ganito ang gawin ng buong Comelec.

Ang dapat gawin nila ngayon ay sibakin na nang tuluyan si Jimenez.

Sa column ni Rigoberto Tiglao sa The Manila Times, sinabi nitong si Jimenez ang nasa likod kaya na-railroad ang MOA sa pagitan ng komisyon at Rappler.

Mistulang ginawang bulag ni Jimenez si Acting Comelec Chairman Socoro Inting para pirmahan agad ang kuwestiyunableng kasunduan.

Maanomalya ang kasunduang ito dahil binibigyan ng kapangyarihan ang US funded na Rappler na magkaroon ng access sa datos ng lahat ng botante.

Isang nakatatakot na hakbang na maaaring maapektuhan ang pambansang seguridad.

Ang catch, hindi dumaan sa Comelec en banc bago papirmahan ang MOA. Napakalaking kapalpakan ito sa parte ni Jimenez.

Maliban na lang siguro kung may intensiyong ito guluhin ang inaabangang May 9, 2022 national elections.

Nagsalita na ang Office of the Solicitor General. Naniniwala rin akong marami pang grupo ang lalabas sa mga susunod na araw upang kontrahin ang kalokohang kasunduan na pinasok ng Comelec.

Kaya bago pa sana lumala ang gulo, mabuti pang sibakin na muna nang tuluyan si Jimenez.

Tutal, daig pa nito ang mga Comelec Commissioners kung umasta.

Siyanga pala Director Jimenez, may isang Comelec official na suki ng Spakol, kilala mo ba ‘to?