Si PAO Chief Persida Acosta, bow!

December 16, 2022 Paul M. Gutierrez 84 views

PaulBAGO ang lahat, binabati muna natin ang ating mga kaibigan sa BOC Employees Association (BOCEA) ang tagapagtaguyod ng tunay, palaban at makabayang unyonismo sa Aduana, sa masaya at matagumpay nilang ‘Christmas Party’ kahapon. Belated happy birthday na rin sa kanilang pangulo at kaibigan natin na si Rommel Francisco. Mabuhay ka, bosing!

***

Noong Huwebes, mainit na tinanggap ni PAO chief Persida Acosta ang mga opisyal ng National Press Club (NPC), para sa isang kumustahan at balitaan dahil sadyang matagal nang panahon na hindi natin nakakasama itong ating kabigan at tunay na “pundasyon” ng sistema ng ating hustisya sa bansa.

Kumbaga, si Atty. Acosta, sa kanyang mahusay at dedikadong paglilingkod bilang PAO chief, ang “patotoo” at “mukha” na gumagana ang sistema ng ating hustisya kahit sa mga mahihirap.

And yes, ‘Bossman’ Justice Secretary Boying Remulla, “inspirado” si PAO chief sa liderato mo sa DOJ at inilarawan ka pa nga na “lalaking may isang salita.”

“Lahat ng ipinangako/sinabi sa akin ni SOJ, tinupad niya!” pagbibida pa sa atin ni PAO chief Acosta.

Personal naman sa atin, may ilang beses na rin tayong “nagpasaklolo” kay PAO chief para sa mga kagawad ng media na nasampahan ng libel case at mga mahihirap nating kababayan na walang abogado at lahat ng “lambing” natin kay Atty. Acosta, agaran, as in, ASAP, niyang inaksyunan!

Kuwento pa ni PAO chief, hindi pambobola sa ating mga kababayan ang anunsiyo ni SOJ Boying na “kakayanin” ng pamahalaan na palayain ang 5,000 bilanggo—puwede pa ngang malampasan ito—sa pagtatapos ng unang taon ni PBBM sa puwesto o sa Hunyo 30, 2023.

Binabasa ninyo ito, dear readers, alam nating napuno na naman ng pag-asa ang ating mga kababayan na makasama ngayong Pasko at Bagong Taon ang kanilang mga mahal sa buhay na nasa kulungan dahil sa darating na Lunes, Disyembre 19, 2022, aba’y 500 na namang mga ‘PDL’ (persons deprived of liberty) ang palalayain ng DOJ!

Samantala, alam ba ninyong mahigit nang 200,000 mga PDLs na nakakulong naman sa mga BJMP facilities ang nakalaya na rin sapul nang maupong Secretary of Justice si Bossman Boying o sa pagsisimula ng PBBM administration?

Kung tama rin ang ating pagkaalala, aabot na rin sa 1,000 PDLs sa mga pasilidad ng Bureau of Corrections (BuCor) ang nakalaya na rin sa ngayon at kasama na ng kani-kanilang pamilya.

Dangan nga naman kasi, dahil sa mabagal at sablay na sistema ng ating hustisya, may mga bilanggo na matagal nang nakapagsilbi ng kanilang sentensiya at ang iba naman ay napatunayan na inosente pero nakakulong pa rin, aww!

Asan ang hustisya dyan di ba mga kabayan?

***

Masaya ring ibinalita sa atin ni PAO chief Acosta ang “matagumpay” na resulta ng kanilang petisyon sa Korte Suprema na katulad sa ibang mga kasong kriminal, dapat lang din na magkaroon ng ‘plea bargaining agreement’ (PBA), ang mga nahuli naman sa kasong iligal na droga.

Oops! Hindi target ng PAO at Korte Suprema na ang makinabang sa bagong regulasyon ay ang mga drug lords at iba pang mga bigtime na supplier ng iligal na droga.

Bagkus, nilalayon ng OCA (Office of the Court Administrator) Circular 340-2022 na mabigyan ng pagkakataon ang mga ordinaryong tao—ang mga mahihirap—na nahuli dahil sa paggamit o pag-iingat ng iligal na droga.

Medyo ‘technical’ ang OCA Circular 340-2022, dear readers kaya hindi na natin “hihimayin” pa rito; mas mainam na pumunta na lang kayo sa website ng Supreme Court para makita at mapag-aralan ninyo.

Sapat nang sabihin na maganda na naman itong hakbang ng PAO upang matulungan ang mga mahihirap nating kababayan na muling makabalik sa lipunan at kanilang mga pamilya.

Ayon pa nga kay PAO chief Acosta, naniniwala siyang “libo-libong” mga mahihirap nating kababayan na sumabit sa iligal na droga ang mapapaboran ng utos ng Korte Suprema.

Mabuhay ka, PAO chief Acosta! Sadyang kailangan ng Pilipinas ang isang lingkod-bayan na katulad mo!

Bow!

AUTHOR PROFILE