Eddie

Si Manoy at ang Batas para sa Kapakanan ng Mga Manggagawa sa Industriya ng Pelikula at Telebisyon

September 6, 2022 People's Tonight 632 views

RobinANG paggawa ng pelikula at palabas sa telebisyon ay salamin ng lipunang Pilipino — sinasalamin nito ang ating personalidad, kultura, kasaysayan, at tradisyon. Higit sa lahat, ang industriyang ito ay nagsisilbing pinto na nagbubukas sa mundo hindi lang ng kung ano ang Pilipinas bilang isang bansa, kundi kung sino ang mga Pilipino bilang mga mamamayan nito.

Kaya naman tutok tayo sa lahat ng pangyayari sa pinilakang tabing, pati na rin sa mga artistang pumatok sa takilya. Sino nga ba sa atin ang makakalimot kay “Manoy”?

Minsan na siyang naparangalang “Pinakamahusay na Pangunahing Aktor”, batikang film director, at bida sa halos 600 pelikula at palabas sa telebisyon sa loob ng pitong dekada.

Haligi ng industriya ng pelikulang Pilipino ang turing sa kanya, kaya naman sa biglaang pagkawala ni Eddie “Manoy” Garcia noong 2019, tila gumuho rin ang mundo ng pinilakang tabing.

Ang biglaang kasawian ni Manoy ay muling nagbukas ng kamalayan ng lahat sa mapait na katotohanan sa likod ng camera ng telebisyon at pelikula.

Sa kasamaang palad, hindi lamang ito minsang nangyari. Ang pagpanaw ng iba pang kilalang personalidad tulad ni Direktor Gilbert Perez noong 2008 at nina Direktor Wenn Deramas at Francis Xavier Pasion noong 2016 ay dahil din sa hindi magandang kundisyon sa pagtatrabaho sa industriya.

Bukod sa kadalasang kulang sa mga hakbangin para sa masiguro ang kaligtasan at seguridad, naiiba ang kundisyon at kalikasan ng trabaho sa ganitong sektor: mahaba ang oras sa shoot; iba-ibang sa lokasyon; hindi standard ang pasahod; mabigat na demand, pagod at tensyon.

Ang ating punto: maaari sanang maiwasan ang kapahamakan sa mga shooting at produksyon kung uunahin natin ang kapakanan ng mga manggagawa sa loob nito.

Para protektahan ang kapakanan ng mga manggagawa sa industriya ng telebisyon at pelikula, inihain natin ang panukalang batas Senate Bill 450 bilang “Eddie Garcia Law” bilang paggunita sa beteranong aktor. Simple lamang po ang ating layunin: tiyakin ang kaligtasan, seguridad at higit na kapakinabangan ng ating mga kapatid sa industriya.

Sa ilalim ng panukalang batas, ang itinuturing na mga Workers or Independent Contractors ay bibigyang proteksyon sa kanilang lugar at oras ng paggawa. Titiyakin din natin na makatatanggap sila ng benepisyo, tamang sahod at seguridad.

Halimbawa, kung dati ay unlimited ang oras sa shooting, ang normal work hours ay gagawin ng walong oras sa isang araw, na maaaring palawigin hanggang 12 oras, kabilang na ang waiting time, ocular work, pre-production, at post-production.

Kung hihigit sa walong oras, ikokonsiderang kasama na ito sa overtime work at dapat may karampatang “overtime pay” na katumbas ng 25% ng bayad bawat oras liban na lamang kung may probisyon sa kontrata na mas pabor sa mga manggagawa.

Titiyakin din natin ang night shift fee na 10% ng sahod kada oras ng trabaho sa pagitan ng 10 p.m. at 6 a.m. Magkakaroon din ng oras ng pahinga na 12 oras o higit pa.

Siyempre pa, ang empleyado ay dapat sakop ng Social Security System, Pag-IBIG Fund, at ng Philippine Health Insurance Corporation kapag nagtatrabaho. Ang buwanang kontribusyon ay dapat paghatian ng empleyado at ng employer.

Walang diskriminasyon. Sasagutin ng employer ang mga kakailanganin ng mga manggagawa tulad ng pagkain, tubig, PWD-friendly at gender-considerate toilets, private dressing rooms, safe holding areas na may emergency exits, at accommodations.

Una dapat ang kaligtasan. Kailangang magtalaga ng Occupational Safety and Health Officer na sisiguro na ligtas ang lahat sa anumang panganib — kableng nakaharang at iba pang safety hazards sa shoot, stunts na gagawin ng mga aktor, health protocols bilang halimbawa. Titiyakin din na mayroong dedicated emergency vehicles na nakaantabay sa lokasyon.

May karapatan din ang mga workers o independent contractors na magbuo ng samahan para sa collective bargaining at mutual aid benefit.

Samantala, sa ating panukalang batas, ang DOLE ay magtatatag ng Film, Television and Radio Entertainment Industry Tripartite Council para maging tulay sa mga employers at mga nagtatrabaho sa industriya.

Panahon na po para baguhin ang kwento ng buhay ng mga manggagawa sa industriya ng pelikula at telebisyon bilang ganti sa kanilang mahalagang gampanin sa ating lipunan.

Maganda po ang layon ng ating panukala. Nagtitiwala po ako na mas mapauunlad nito at mapapabuti ang kalagayan ng ating mga kapatid, kapamilya, at kapuso sa sektor ng entertainment. Ni Robin Padilla

AUTHOR PROFILE