Si Leni Robredo at si ex-Comelec Chairman Andy Bautista

January 20, 2022 Marlon Purification 474 views

Marlon PurificationPINA-PLANO ko pa lang isulat kamakailan ay usap-usapan na rin pala sa Tiktok ngayon ang tungkol kay dating Commission on Elections (Comelec) chairman Jose Andres ‘Andy’ Bautista.

Si Bautista ang chairman ng Comelec noong 2016 national elections kung saan inakusahan ni dating Senador Bongbong Marcos si Leni Robredo na nandaya sa kanya sa vice-presidential race.

Parehong mahalaga sa kampo nina Marcos at Robredo si Bautista.

Mismong si Mrs. Patricia Paz ‘Tisha’ Cruz-Bautista, asawa ni Andy ang nagbuko sa taumbayan na kumita ito ng milyun-milyon piso sa nagdaang 2016 elections.

Alam ng lahat na sa unang araw ng bilangan ay malaki ang lamang ni Marcos kumpara kay Robredo noong May 9, 2016 elections. Pero hatinggabi sa ikalawang araw ay biglang lumamang ang reyna ng pinklawan.

Ito’y matapos galawin ng Comelec ang SD (secure digital) card dahil dapat daw palitan ng letrang ñ ang letter n na nakalagay sa apelido ng ilang kandidato sa national elections.

Sa puntong ito tumibay ang hinala ng taumbayan na na-Smart Magic ang bilangan pabor kay Robredo!

Ang testimonya ni Mrs. Bautista ay lalo lamang nagpalakas na nagkaroon ng bayaran dahil ibinuko nito ang daang milyong pisong pera sa bangko ng kanyang mister.

Sa press conference noong taong 2017, iniharap ni Tisha ang 32 iba’t ibang bank books ng mister na ang ilan ay naglalaman ng P227.27 million na naka-pangalan sa dating Comelec chairman at kanyang kamag-anak sa sa Taguig branch ng Luzon Development Bank; limang account sa LDP Makati branch na nakapangalan kay Chairman Bautisa na may may laman na P101 million; pati RCBC account na may $12,000 US dollar at P257,000; at sa HSBC na may lamang halos $1 milion Hongkong dollars.

Totoong away mag-asawa ang pinag-ugatan ng pagkakabuko sa multimillion-peso na pera at ari-arian ni Chairman Bautista. Pero saan ba talaga ito nanggaling kung hindi totoong kickback mula sa Smartmatic?

Kung hindi guilty si Chairman Bautista, bakit ito nagtatago hanggang ngayon?

Matatandaang nakatakda na sanang i-impeach ng Kongreso si Bautista, ngunit tumakas ito papalabas ng bansa na hanggang ngayon ay hindi pa rin nalo-locate ng National Bureau of Investigation (NBI) at Interpol.

Ang catch, wanted na ngayon si Bautista dahil mismong Court of Appeals ang kumatig sa desisyon ng National Privacy Commission na totoong may nilabag na ‘security breach’ si Bautista o paglabag sa itinatadhana ng Republic Act 10173 (Data Privacy Act).

Ang huling impormasyon sa kinaroroonan ni Bautista ay nasa Amerika ito ngayon at nagtatago.

Ka-text ko si NBI Officer-In-Charge Eric Distor nitong Huwebes ng umaga. Ipinapa-update na raw nila ang kaso ni Bautista ngayon.

Isang mapagkakatiwalaang source naman ang nagsabi sa akin na bukod kay Bautista ay hinahanap na rin ng NBI ang isang nangangalang Antonio Pery na umano’y ‘consultant’ at kasamahan ng dating Comelec official.

Involved raw ito sa ‘foreign currency trading.’

Pareho umano silang nasa abroad ngayon at sakaling mahuli ang isa sa kanila, malaking bagay upang mabigyang linaw hinggil sa isyu ng dayaan sa halalan at ‘unexplained wealth.’

Ang tanong ngayon bakit wala tayong marinig na kahit isang pahayag si Robredo para pabalikin at hikayatin si Bautista na umuwi na ng bansa?

Pareho pong abogado sina Robredo at Bautista at alam na alam ng reyna ng lugawan kung gaano kahalaga ang testimonya ni Andy para patunayan nitong hindi siya nandaya noong nagdaang halalan.

Sabagay malapit na rin naman ang 2022 national elections, tingnan na lang natin kung makadikit man lang sa botong makukuha ni Marcos si Leni.

Parang tingin ko kasi, suwerte nang makakuha si Leni ng limang milyong boto, malayo masyado sa sinasabing 16 million votes na nakuha nito noong 2016.