Default Thumbnail

Si Joseph, si JayR at ang Illegal na Sabong Online!

May 20, 2023 Marlon Purification 396 views

Marlon PurificationHINDI ko maaaring palagpasin ang impormasyon na ipinarating sa atin.

Naayos na raw tayo ng illegal na sabong online at Ito’y sa pamamagitan ng isang alyas JayR.

Si JayR ay isang dating broadcast journalist na lahat ng raket ay pinasukan nito. Mula sa pagbebenta ng condo, bahay at lupa.

Kahit mga paintings inilako ng taong ito.

Pati ang Small Town Lottery (STL) ay pinasok na rin ng Mama!

Wala namang problema kung legal ang kanyang raket o hanapbuhay dahil para iyon sa kanyang pamilya. At diskarte niya iyon.

Ika ‘nga, buntot mo, hila mo!

Ang problema nung isulat natin ang illegal na online sabong kamakailan ay maraming nagulat dahil pano raw natin nakuha ang impormasyon patungkol sa iligal na E-Sabong na kung tawagin ay Sabong Worldwide!

Ipinagtatanong daw tayo ng isang alyas Joseph kung pano tayo makakausap!

Itong si JayR, palibhasa ay dating media ay agad na nagyabang at sinabing nakausap na raw niya ang inyong lingkod!

Ang bida pa ng loko-lokong ito ay ‘naayos’ na raw niya ako!

Hoy JayR, kung didiskarte ka, wag mong gamitin ang pangalan ko dahil kapag nainis pa ako ay papangalanan kita rito!

Kung matatandaan, naisulat natin kamakailan ang iligal na sabong online na pinamumunuan ng isang mayor mula sa Abra. Isang dating mataas na opisyal din ng PNP ang kasosyo nito at isa pang gamefowl breeder sa Batangas.

Tuloy pa rin ang iligal na operasyon ng Sabong Worldwide. Kahit ‘nga kinukunan na sila minsan ng ‘drone shot’ ng intelligence community ay wala silang pakialam dahil areglado raw lahat ng PNP, NBI at kahit ang mga lokal na opisyales ng pamahalaan, partikular na sa southern tagalog.

Ang tanong lang ay bakit nga kaya hindi pa sila mapasara ni Police Regional Office (PRO) 4a chief Brig. Gen. Carlito Gaces?

Samantala, bukod sa Sabong Worldwide, may isa pa ring magbubukas na illegal na E-Sabong na ang grupo naman ay nagtatago sa tawag na SLC as in Sabong ng mga iLigalistang Cumag!

Hawak daw ito ng isang local official sa Bulacan.

And ‘launching’ ng kanilang illegal na sabong online ay mag-uumpisa sa darating na June 1.

Ang gumawa ng IT system nito ay si Joseph at magkasosyo sila ngayon ni Cholo.

Karamihan sa mga tao nila ngayon ay mula sa nagsarang Pitmasters ni Atong Ang na sumunod sa kautusan ng Pangulong Marcos na bawal ang E-Sabong ang bansa.

In fairness kay Atong Ang, tumalima ito sa kautusan ng Pangulong Marcos at hindi na nag-operate pa ang Pitmasters.

Si Joseph ay dati ring taga-Pitmasters! Nagsarili at gumawa ng sariling grupo si Joseph dahil ayaw nang mag-operate pa ng dati niyang boss na si Atong.

Kung papansinin, kahit mayroon nang Executive Order No. 9 na ipinalabas ng Malakanyang ay marami pa ring naglalakas ng loob na suwain ang utos ng Pangulong Marcos.

Parang ang tingin nila sa kanilang sarili ay mas ‘powerful’ pa sila kay Presidente.

Siyangapala, may isang convo tayong nasagap hinggil sa grupo nina Cholo at Joseph. Basahin n’yo po ito:

“Sa lahat ng SLC member,

Umpisa na po tyo sa June 1. Hahatiin sa dalawang grupo red team at blue team. Ang bawat member ay magkakaroon ng 3 laban sa isang linggo T/Th/Sat at W/F/Sun, maliban sa Monday na magsisilbing house fight.

No pot, magkakaroon ng pusta 20k bawat laban ng manok nyo na automatic ang office na ang kusang magtataya.

At para naman sa napagkasunduang 1m per share magkakaroon tayo ng pagbabago na 500k per share nalang yan ay upang hindi mabigatan ang bawat members at magamit sa ibang pangangailangan ng inyong farm.

Bukod sa 500k na share mangangailangan din tayo magbigay ng 500k post dated check para hindi mahirapan ang office natin maningil sa mga hindi makakabayad sa parada.

Ang bawat member ay maaring magparehistro ng 5 authorized na tao na pwedeng pumasok sa studio kasama ang inyong mananari, pero sa mismong araw ng laban 3 lang per entry ang papayagan makapasok bukod sa driver na mananatili lang sa waiting compound kaya hindi na sila kylangan isama sa listahan.

Ang unang studio na gagamitin ang Bulacan kapag nagpatuloy ang ganda ng palaban natin maaari na din natin gamitin ang isang studio natin sa South Area.”

Oh ‘di ba, masyadong organisado ang grupong ito?

Tingnan natin kung tatalima ba ang PNP at NBI sa EO 9 ng Pangulong Marcos!