Default Thumbnail

Si Jerry Acuzar ang Housing czar

August 1, 2022 Allan L. Encarnacion 420 views

Allan EncarnacionMATAGAL nang problema ng pamahalaan ang housing backlog sa buong bansa, lalo na dito sa Metro Manila na sentro ng komersiyo at kalakalan.

Sa ngayon, nasa halos isang milyon ang backlog ng pabahay sa NCR at patuloy pang tumataas ang bilang. Hindi pa nagkaroon ng malawak at progresibong housing program ang gobyerno sa matagal na panahon, maliban sa administrasyon ng dating Pangulong Ferdinand Marcos, Sr.

Sina former First Lady Imelda Marcos at Housing czar ni FM na si Jolly Benitez sa Human Settlements ang nakagawa ng maraming pabahay na nagbigay ng tahanan sa marami nating kababayan noong dekada 70 hanggang 80.

At ang pabahay nila Imelda at Benitez ay hindi katulad ngayon na parang hawla ng ibon dahil sa 22 to 25 square-meters lamang ang size. Ang sukat ng housing noon ay 80 square-meters at full development ang ginawa dahil kumpleto sa lahat ang kailangan ng mga pamilyang maninirahan.

Kaya nga malaking hamon kay Secretary Jerry Acuzar ang problema ng pabahay bilang bagong hepe ng Department of Housing Settlement and Urban Development (DHSUD).

Si Acuzar ay kilalang builder/developer dahil siya ang President and CEO ng New San Jose Builders, Inc (NSBI). Nagsimula lang ito bilang drafts man ng isang real state company noong 1975 hanggang sa magtayo ng sariling kompanya.

Si Acuzar ang may-ari ng Francesa Tower, Victoria Tower sa Quezon City, The Fort Victoria Tower sa BGC at sa kanya rin ang historical site na Las Casas Filipinas de Acuzar sa Bagac, Bataan.

May alegasyon ng conflict of interest sa appointment ni Acuzar na sa tingin natin ay madali namang maresolba. Una, puwede naman siyang magbitaw sa kanyang kompanya at alisin ang mga share holdings niya sa anumang real estate business sa loob ng 30 hanggang 60 araw.

Tama ang desisyon ni PBBM na magtalaga ng mga taong may expertise sa isang larangan. Halimbawa na nga ang housing, alangan namang mag-appoint ang Malacanang ng isang baker or mekaniko sa departamentong kailangan ng expertise sa pagpapatayo ng mga bahay?

Ang importante rito ay bigyan natin ng tiyansa si Acuzar na mapatunayan ang kanyang kasanayan sa pabahay. Gusto nating makitang maubos na ang mga homeless na namamalimos sa kalye sa pamamagitan ng pagkakaloob ng bahay at hanapbuhay sa kanila.