Default Thumbnail

Si Brandy , Roe at Dobbs

July 16, 2022 Magi Gunigundo 287 views

Magi GunigundoHINULI ng pulis sa Texas, USA si Brandy Bottone, buntis ng 34 na linggo, dahil ginamit niya ang espesyal na lane para sa mga sasakyan na may dalawa o higit pang nakasakay dito. Depensa ni Brandy na batay sa kaso ng Dobbs, ang fetus sa kanyang sinapupunan ang pangalawang tao sa loob ng sasakyan kaya hindi niya nilabag ang batas. Para maunawaan natin ang punto ni Brandy, kailangan umpisahan ang paliwanag sa Roe v Wade na pasya ng Korte Suprema ng Amerika noon 1973.

Sa Roe v Wade, kiniwestiyon ni Jane Roe (isang alyas), isang dalagang buntis, ang batas ng Texas na nagbabawal sa pagpapalaglag na labag sa kanyang kalayaan. Pinaburan siya ng Korte Suprema, at kinilala nito ang karapatan ng isang babae na magpalaglag nang walang pakikialam ang gobyerno. Ang pagbubuntis ay naglalagay ng malaking panganib sa isang nagdadalang tao, tulad ng pisikal at pagnkaisipan na kalusugan, pasanin sa pananalapi, at panlipunang stigma kung itutuloy ang pagsilang ng pinagbubuntis na walang ama.

Ang karapatan ng isang babae na magpasya para sa kanyang sarili na magdala o hindi magdala ng pagbubuntis sa termino ay ginagarantiyahan ng Ika-14th na Susog ng Konstitusyon ng US (pinagmulan ng Sec 1 Art 3 ng 1987 Constitution ng Pilipinas: walang tao ang dapat alisan ng buhay, kalayaan o ari-arian nang walang angkop na proseso ng batas).Ang karapatan sa “privacy” ay bahagi ng kalayaan sa pinakamalawak na kahulugan nito, at ang karapatang ito sa “privacy” ay umaabot sa kontrol ng pagbubuntis ng babae. Ang Konstitusyon ng US ay hindi nagbibigay ng kahulugan ng isang “tao.” Dahil dito “ang hindi pa isinisilang ay hindi kailanman kinikilala sa batas bilang tao sa buong kahulugan.”

Sinabi sa Roe na lehitimo ang interes ng estado sa pagprotekta sa potensyal na buhay sa sinapupunan at ito ay tumataas habang ang pagbubuntis ay sumusulong. Upang bigyan diin ito, ang pagbubuntis ay hinati sa tatlong 12-linggong trimester. Ang babae ay may karapatan na kumuha ng aborsyon nang malaya, pagkatapos ng konsultasyon sa isang doktor, sa unang tatlong buwan at sa isang awtorisadong klinika sa ikalawang trimester, habang pinahihintulutan ang isang estado na ipagbawal ang aborsyon sa ikatlong trimester.

Ayon sa Guttmacher Institute, hindi nagbago ang bilang ng mga nagpalaglag bago ang Roe at pagkaraan ilabas ito sa Amerika: isang milyon kada taon. Ngunit ang bilang ng namatay na resulta ng mga pagpapalaglag ay kapansin-pansing bumaba sa mga taon kasunod ni Roe.

Sa kaso ng Planned Parenthood v. Casey(1992) muling pinagtibay ng Korte ang karapatan ng isang buntis na pumili ng aborsyon ngunit gumawa ito ng pamantayan batay sa “fetal viability” – ang kakayahan ng fetus na mabuhay sa labas ng sinapupunan. Ang kakayahang mabuhay ay karaniwang inilalagay sa humigit-kumulang pitong buwan (28 linggo), ngunit maaari itong kasing aga ng 24 na linggo.

Sa isang makasaysayan desisyon sa Dobbs v. Jackson Women’s Health Organization (24 Hunyo 2022) nagdeklara ang Korte Suprema ng U.S. na walang konstitusyonal na karapatan sa pagpapalaglag. Binaligtad ng Dobbs case ang mga kaso ng Roe at ng Planned Parenthood. Ito ay nangangahulugan na wala ng karapatan sa pagpapalaglag ang mga buntis sa Amerika.

Sinabi sa Dobbs na “ang Konstitusyon ay hindi nagbibigay ng karapatan sa pagpapalaglag.” Ang anumang regulasyon ng estado sa aborsyon ay ipinapalagay na wasto. Lehitimo ang interes ng estado na igalang at mapanatili ang buhay sa sinapupunan sa lahat ng yugto ng pagbubuntis, at maaaring ganap nitong ipagbawal ang aborsyon sa anumang kadahilanan.”

Sinabi ng minorya sa pasya sa Dobbs na “ang mga kabataang babae ngayon ay darating sa edad na may mas kaunting mga karapatan kaysa sa kanilang mga ina at lola.Mula sa sandali na magbunga ang pagtatalik, ang isang babae ay inalisan ng karapatang magsalita at magpasya tungkol dito. Maaaring pilitin siya ng isang estado na dalhin ang pagbubuntis sa termino kahit na haharap siya sa pinakamatinding gastos .”

Sa Pilipinas, ang fetus ay hindi tao sa buong kahulugan nito ngunit ito ay may karapatan na suportahan habang hindi pa isinisilang at ang karapatan na magmana nito ay protektado basta natupad ang kondisyon na naipinanganak ito ng buhay ayon sa Civil Code.

Pinaparusahan ang aborsyon, sinadya man o hindi sa Art 256, 257 at 258 ng Revised Penal Code at walang mga eksepsiyon upang bigyang-katwiran ang aborsyon.

Ang pagpapalaglag ay hindi kailanman magiging isang simpleng isyu. Ito ay mananatiling isang mainit na pinagtatalunang paksa dahil ang opinyon ng isang tao tungkol dito ay nakasalalay sa kanyang pananaw sa mundo, at kung kailan siya naniniwala na nagsisimula ang buhay.

AUTHOR PROFILE