
Show cause order vs ex-cop na nanutok meron na–LTO
NAGPALABAS na ng show cause order (SCO) si Land Transportation Office Chief Assistant Secretary Atty. Vigor Mendoza laban sa driver na nagkasa ng baril sa isang siklista noong Agosto 8 sa Quezon City.
Batay sa ulat na isinumite sa kaniya ni LTO-NCR Director Roque Verzosa III, sinabi ni Mendoza na inaatasan nila si Wilfredo Gonzales na humarap sa mga imbestigador ng LTO sa hapon ng Huwebes, Agosto 31.
Pinagdadala rin siya ng sinumpaang salaysay kung bakit hindi siya dapat papanagutin sa apat na paglabag.
Kabilang na rito ang Disregarding Traffic Sign (sa ilalim ng Joint Administrative Order 2014-01); Obstruction of Traffic, Reckless Driving, at Improper Person to Operate a Vehicle, sa ilalim ng Republic Act 4136.
Naisumite na sa tanggapan ni Department of Transportation Secretary Jaime Bautista ang report sa kaso ni Gonzales.
Sinabi ni Mendoza na sakaling mabigo si Gonzales na maisumite ang kaniyang sinumpaang salaysay at humarap ay reresolbahin ng LTO ang kasong administratibong isinampa laban sa kaniya base sa mga dokumento at datos.
Nitong Lunes, Agosto 28, nagpalabas ng 90 araw na preventive suspension sa driver’s license ni Gonzales habang nakabinibin ang resulta ng nagpapatuloy na imbestigasyon upang tukuyin kung dapat ba siyang alisan ng pribelehiyo para magmaneho ng sasakyan.
Sa harap ng mga panawagan sa LTO na bawiin na ang lisensya ni Gonzales, ipinaliwanag ni Mendoza na kailangan pa ring masunod ang due process.
“Nauunawaan po natin ang damdamin ng ating mga kababayan tungkol sa bagay na ito dahil kitang kita naman sa video ang ginawa niya,” ani Mendoza.