Shido

Shido, balik-MMFF sa ‘Nelia’

November 29, 2021 Ian F. Fariñas 124 views

ISA si Shido Roxas sa masusuwerteng artista ngayong pandemya na nabibigyan ng pagkakataong makapagtrabaho sa kaliwa’t kanang project. Bukod sa suspense-drama na Nelia, na pasok bilang isa sa official entries ng nalalapit na 2021 Metro Manila Film Festival (MMFF), meron pa siyang Caught in the Act na mauunang ipalabas sa December 15 under Direk Perry Escano.

Bale pangalawang full-length MMFF entry na ni Shido ang Nelia. Ang una niyang MMFF experience ay naganap sa 2018 topgrosser na Rainbow’s Sunset ni Direk Joel Lamangan para sa Heaven’s Best Entertainment. May cameo appearance naman siya sa sequel nitong Isa Pang Bahaghari.

Nagmarka ang pagganap ni Shido sa Rainbow’s Sunset bilang batang Ramon (Eddie Garcia) na may torrid kissing scene sa batang Fredo (Tony Mabesa played by Ross Pesigan).

Sobrang kakaiba raw ang papel niya sa Nelia dahil isa siyang doktor na nasa ilalim ng superbisyon ng karakter ni Raymond Bagatsing.

“I’m one of the doctors here in the hospital,” panimula ni Shido. “Top management, junior ni Raymond Bagatsing. Ano po ako dito… I dont wanna give spoilers, medyo… we want to make the audience hanging… gusto namin, mapapaisip sila (audience) ‘bakit namamatay ang mga pasyente nila?’ So that leaves the mystery behind.”

Si Winwyn Marquez, bilang isang nurse, ang pinakabida sa maiden offering na ito ng A and Q Productions Film, Inc. na dinirek ni Lester Dimaranan mula sa panulat ni Atty. Melanie Honey.

Si Atty. Honey ay co-producer ni Atty. Aldwin Alegre na, incidentally, ay introducing sa pelikula.

Sa media conference para sa Nelia, sinabi ni Atty. Aldwin na bilang unang sabak ito ng A and Q sa film production, eh, masayang-masaya ang team nila dahil marami silang hirap na pinagdaanan nang mag-lock-in shooting sa Gapan, Nueva Ecija April this year.

Nu’ng simulan ang project, ni hindi nga raw nila alam kung saan ito maipapalabas. Wala silang ideya that time basta naisip na lang nila na gawin ang pelikula saka na isipin ang concern sa cinema kapag tapos na.

“Kailangan may magawa ang production company. ’Yun ang napag-usapan,” kwento ni Atty. Alegre.

Dagdag niya, “Marami rin kaming hirap, ang daming restrictions, eh, ang ibang artista, ibang production team, nahirapan sila. Kasagsagan kasi ng pandemic noon, somtime April this year.”

Short films para sa curriculum ng mga bata sa DepEd ang unang binalak ng kumpanya bago nag-pandemya.

Hindi nga lang natuloy dahil inabutan na nga ng Covid-19 pandemic.

Bale may slight showbiz background si Atty. Alegre dahil isa siya sa hosts ng Tulay sa Batas na umere ng isang taon sa PTV 4. Nagge-guest din siya sa CNN Philippines bilang abogado’t resource person.

Anyway, bukod kina Shido, Winwyn at Raymond, nasa cast din ng Nelia sina Mon Confiado, Lloyd Samartino, Dan Alvaro at Ali Forbes. Ang 2021 MMFF entries ay mapapanood simula December 25.

AUTHOR PROFILE