Sharon, maraming pinaiyak sa pagkanta ng ‘Bituing Walang Ningning’
Ang daming napaiyak sa ibinahaging video ni Megastar Sharon Cuneta sa kanyang Instagram account kung saan ay kinakanta niya ang classic hit niyang Bituing Walang Ningning sa kanyang concert.
Makikita sa video na naging emosyonal si Sharon habang nagpe-perform dahil naalalala niya ang yumaong co-star sa pelikulang Bituing Walang Ningning na si Cherie Gil.
Sa caption ay sinabi ng Megastar na ito ang first time niyang kantahin ang nasabing awitin since Cherie passed away at hindi niya alam kung paano kakantahin.
“First time to sing Bituing Walang Ningning in a concert since my Cherie passed two months and eleven days ago… ‘Di ko alam paano ko kakantahin kagabi… but I know somehow that she was right beside me…,” caption ni Sharon.
Pati ang netizens at kapwa-artista ay na-touch at nagkomento na naiyak din sila. Ang iba naman ay binalikan ang memories nila sa movie tulad ng kung paano nila ito pinilahan sa sinehan noon.
“I know it’s hard for you to sing that but you sang well even you’re cried. Goosebumps! She’s always with u,” ang komento ng isang netizen.
“I’m crying too. Tight hug po,” comment naman ng isa pa.
Sabi naman ng dating aktres na si Beth Tamayo, “Awww… this makes me cry ate…”
Kasalukuyang nasa Australia si Sharon para sa kanyang concert tour.
EP ON MENTAL HEALTH
Inilabas na ng Star Pop music label ng ABS-CBN at Singapore-based creative production house na AOR Global ang extended play (EP) na My Safe Place na naglalayong magbigay halaga sa mental health sa pamamagitan ng musika.
Tampok sa EP ang anim na kanta mula sa Filipino artists na sina Trisha Denise at LU.ME at Singaporean singers na sina KIRI, kotoji at Marian Carmel.
Nagtulong naman sina ABS-CBN Music creative director Jonathan Manalo at Star Pop label head Rox Santos sa pagprodyus nito.
Isinulat at inawit ng singer-songwriter na si Trisha Denise ang Cracks na tungkol sa pagtanggap sa pagkukulang o kasiraan ng isang tao.
Ang up-and-coming soul-pop artist at kumu streamer na si LU.ME naman ang kumanta ng Surrender.
Isang independent singer naman si KIRI na nagbigay-buhay sa kantang Get Well Soon.
Ang multi-talented na si kotoji ang sumulat at kumanta ng Survive, isang dream-pop song na hango sa karanasan ng kanyang mga kaibigan.
Ibinahagi naman ng singer-songwriter na si Marian Carmel ang personal na karanasan na nagtulak sa kanya para awitin ang Wish That I Could Tell Me.
Bukod sa solo tracks, tampok din sa EP ang uplifting pop-rock song na My Safe Place, na inawit ng limang artists at tungkol sa halaga na mahanap ang “space” na magbibigay kaligtasan at ginhawa.
Available na ang My Safe Place sa iba’t ibang digital streaming platforms.