Coronlia

Sharon, handa na sa lock-in taping Dennis, bet magkontrabida kay Lloydie

November 9, 2021 Ian F. Fariñas 932 views

John LloydDennisAGAWAN ng espasyo sa social media kahapon sina Megastar Sharon Cuneta at comebacking actor John Lloyd Cruz. Si Sharon, winelcome ng ABS-CBN bilang bagong miyembro ng FPJ’s Ang Probinsyano habang si John Lloyd naman ay pumirma ng kontrata bilang bagong Kapuso.

Kabilang ang FPJAP cast, sa pangunguna nina Coco Martin at Julia Montes, at ilang ABS-CBN bosses sa mga sumalubong kay Sharon na dumiretso agad sa isang global mediacon.

Doon ay sinabi ng Megastar na handa na siyang sumabak sa lock-in taping ng FPJAP, kung saan sikreto pa ang papel na kanyang gagampanan sa ngayon.

Sa Ilocos daw kukunan ang mga eksena at game naman si Sharon sa new normal location shoot bilang naranasan na raw niya ito nang gawin ang pelikulang Revirginized ng Vivamax under Direk Darryl Yap.

“Kumplikado ang back story,” lang ang ibinahagi ni Sharon tungkol sa gagampanang papel.

Napakalalim daw ng istorya ng kanyang karakter. Nagpapasalamat siya kay Coco at sa buong production team dahil talaga raw pinag-isipan ito.

“I’m excited to do anything they ask me to do ’wag lang mag-bold kasi baka hindi ready ang public sa akin. Joke lang po!” sey ni Sharon na malaki na ang nabawas sa timbang mula nang huling lumabas sa pelikula man o telebisyon.

Magkahalo raw drama at aksyon ang gagawin niya sa FPJAP. Hindi siya maninibago dahil nga nakapareha na rin naman niya ang ilan sa mga sikat at bigating action stars ng bansa tulad ng yumaong action king na si Fernando Poe Jr., Rudy Fernandez, sina Robin Padilla at Sen. Bong Revilla.

Bukod sa mental, physical din daw ang gagawin niyang paghahanda para sa bagong trabaho. Maigi na nga lang daw at naging morning person na siya mula nang bumalik mula sa dalawang biyahe sa Amerika.

Proud si Sharon sa ginagawa ni Coco para sa FPJAP. Common knowledge na malapit ang Megastar sa Hari ng Aksyon nu’ng nabubuhay pa ito.

Katunayan, ninong daw ito ng panganay nila ni Gabby Concepcion na si KC at ito pa ang nagturo rito na maglaro ng pusoy at tong-its nang minsan siyang dalawin sa set ng isang pelikula.

Pag-alala pa ni Sharon, “Clatfoot” ang term of endearment nila ni Da King dahil sa isang eksena sa pinagsamahan nilang pelikula, ang Kahit Konting Pagtingin (1990).

As for John Lloyd, isa na si Dennis Trillo sa mga Kapuso na unang nag-welcome rito.

Sa virtual mediacon para sa finale ng serye niyang Legal Wives kahapon, sinabi ni Dennis na excited siya na nasa Kapuso network na rin ang dating Kapamilya actor.

“Never pa kaming nagkatrabaho ni John Lloyd. Okay akong makasama siya, okay akong maging kontrabida ni John Lloyd kung magkakaroon siya ng serye dito sa gma,” diin ni Dennis.

Samantala, sa November 12 na iere ang finale episode ng Legal Wives, kung saan kasama ni Dennis sina Alice Dixson, Andrea Torres, Bianca Umali, atbp.

AUTHOR PROFILE